Villar

Rep. Camille, maraming iniyak sa ‘Queen of Tears’

April 29, 2024 Ian F. Fariñas 82 views

GAYA ng napakaraming Pinoy K-drama fans, hindi nagpahuli si Las Piñas Representative Camille Villar sa panonood ng patok at pinag-uusapan ngayong romance drama series na Queen of Tears sa Netflix.

Bida sa nasabing serye ang Korean stars na sina Kim Ji-won (bilang Hong Hae-in) at Kim Soo-hyun (bilang Baek Hyun-woo) bilang CEO ng isang malaking department store at lawyer, respectively, na magkakaibigan sa kabila ng magkaiba nilang estado sa buhay.

Pag-amin ni Rep. Camille sa katatapos na luncheon get-together kasama ang entertainment press sa Brittany Hotel BGC, marami na siyang iniyak sa panonood ng Queen of Tears.

Nang tanungin kung naka-relate siya sa karakter ng bidang babae, ang sagot niya, “Sana ‘di naman ako magkasakit, hahaha! My husband’s a lawyer so relate ako… pero, medyo tragic, eh, so ayaw kong maka-relate. Pero I really like it. Gandang-ganda ako sa kanya and like when I started watching, I tell my friends ‘you have to watch it, you have to watch it!’ Pero nakakaiyak pala ‘yon, Diyos ko!” kaya natawa ang lahat.

Sa get-together din na-reveal sa press na ang all-time fave actor pala ni Rep. Camille ay si Hyun Bin, na bida naman sa isa pang popular K-drama na Crash Landing on You.

Incidentally, ayon sa online reports, kinabog ng finale episode ng Queen of Tears nitong Linggo ang rating ng CLOY.

Malapit nga ang puso ni Rep. Camille sa mga taga-showbiz at press. Kaya naman bukod sa trabahong hatid ng family-owned AMBS (AllTV), may inakda rin siyang dalawang panukala sa House of Representatives para sa karagdagang social safety nets ng mga peryodista at seed fund na magbibigay sa local movie industry ng pondong pamprodyus ng world-class films.

Sa panukalang House Bill No. 6543, layon ni Rep. Camille na bigyan ng “disability, health, and hospitalization benefits” ang practicing journalists.

Minamandato ng panukala ang Social Security System (SSS) at ang Government Service Insurance System (GSIS) na lumikha ng special coverage para sa freelance journalists, lalo na sa mga naka-assign sa war zones, conflict-stricken areas at calamity-affected places.

“Itinataya nila ang kanilang buhay para makapagbigay ng napapanahong balita para sa mga Pilipino kaya nararapat lang na bigyan natin sila ng proteksyon at dagdag na benepisyo para sa kanilang sakripisyo,” ani Rep. Camille.

Ang House Resolution No. 451 naman ang bubuo ng seed fund para sa local movie industry.

Dito, bibigyan ng pondo ng pamahalaan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na susuporta sa stakeholders para bumuo ng bagong marketing strategies at mas patindiin ang tsansa ng Pilipinas na kilalanin sa international film festivals.

“Makakuha man lang ng nomination, o manalo, o masali sa shortlist ng foreign award-giving bodies tulad ng prestihiyosong Oscars ay lalong magpapatibay sa reputasyon ng Pilipinas bilang bansa ng world-class talents at quality movies, na magbubukas ng dagdag na employment at livelihood para sa mga Filipino,” pahayag ng kongresista.

Sa ngayon, pending pa ang dalawang panukala sa committee level. Pero malaking tulong ang hatid nito sa industriya oras na pumasa ang mga ito sa Kongreso.

AUTHOR PROFILE