Paul Gutierez

“Malaki ang tama” ni ‘PAPA’ Larry

March 26, 2024 Paul M. Gutierrez 206 views

PRAKTIKAL ang ideya ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation (PAPA) Larry Gadon na pahabain ang termino ng mga lokal na opisyal kabilang ang mga mayors at governors.

Malaking katipiran ito sa pondo na mula sa bulsa ni “Juan Dela Cruz” sakaling isumite at mapagbigyan ng Senado ang panukala ni Atty. Larry. Mainit ang usapin ngayon sa Charter Change, na ayon sa mga kongresista ay tanging economic provisions lamang ng 1987 Philippine Constitution ang aamyendahan.

Sa kasalukuyan, ang eleksyon sa mga lokal na opisyal ay kada tatlong taon at pinapayagan ng Saligang Batas ng hanggang tatlong sunod na termino. Sa panukala ni Gadon, nais niyang itulad sa mga senador ang termino ng mga lokal na opisyal na mayroong anim na taon at dalawang termino o katumbas na 12 taon.

Hindi ba’t malaking tipid sa pondo kung kada anim na taon gagawin ang eleksyon, mga kabayan? And yes, dear readers, sadyang malaki ang tama ni PAPA Larry sa kanyang sinabi na masyadong maiksi ang tatlong taon upang maipatupad ang mga programa at proyekto.

Likas kasi sa ating mga Pilipino ang hilig sa pulitika. At sa kasalukuyang sistema, masyadong mahaba ang oras na ginugugol ng mga politiko sa pamumulitika at halos kakaunti ang oras na natitira sa tunay na serbisyo.

Bakit natin nasabi ito, mga kababayan? Kalimitan, napakatagal humupa ng tensiyon pagkatapos ng halalan. Nariyan ang mga protesta, intriga, akusasyon ng dayaan, atbp. Kaya pag-upo ng nanalong kandidato halimbawa Hulyo 1 taon 2022, halos matapos na ang taon ay pulitika pa rin ang pinag-uusapan.

Sa sunod na taon pa lamang (2023 halimbawa) nakakapag-trabaho ng maayos dahil sa sunod na taon (2024) ay pumoporma na ulit at nagpaparamdam ang mga nagnanais kumandidato dahil Oktubre pa lamang ay maghahain na nang kandidatura. Ibig sabihin, simoy eleksyon na naman.

Kaya sa tatlong taon na termino, halos kalahati ay ginugugol sa pamumulitika at kalahati na lamang ang napupunta sa serbisyo publiko. Kaya kung mapagbibigyan, maganda ang layunin ng panukala ni Atty. Gadon na pahabain ang bilang ng taon ng termino ng mga lokal na opisyal.

Sa ganitong paraan, mas madaling masusukat at mahuhusgahan ng mga botante kung mahusay ba ang naging performance ng mga namumuno dahil sa mahabang panahon na inilaan sa paglilingkod o kung dapat ba silang palitan. ‘Di tulad kung maikli ang panahon, talagang napaka-ikli rin ng oras ng paglilingkod at wala pang masyadong magagawang programa.

Sana ay pag-isipan itong mabuti ng ating mga makikisig na mambabatas. Dahil sa haba ng oras na ibibigay para sa paglilingkod para patunayan na p’wede pa ulit silang ihalal, siguradong hindi na makakaulit ang mga tamad, korap at bugok na pulitiko na tiyak ibabasura ng mga botante pagkalipas ng anim na taon.

By the way, ingat tayong lahat ngayong panahon ng Semana Santa, lalo na ang mga at uuwi at magbabakasyon sa mga probinsiya.

Enjoy natin ang bakasyon at samahan ng pagmumuni muni at panalangin.

AUTHOR PROFILE