Default Thumbnail

Mahigit P.5M shabu, nakumpiska sa ‘pusher’

January 13, 2023 Edd Reyes 219 views

MAHIGIT sa kalahating milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa 19-anyos na lalaking sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Kaagad pinosasan ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Renato Castillo, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang binata, residente ng Ilalim Tulay, Barangay Balumbato, Balintawak, Quezon City makaraang tanggapin ang P3,500 na markadong salapi, kapalit ng ibinentang shabu sa pulis na nagpanggap na buyer.

Sa imbestigasyon ni P/Sgt. Rodney Dela Roma ng DDEU, dakong ala-1 ng madaling araw nang maganap ang pakikipag-transaksiyon ng pulis na nagpanggap na buyer sa suspek malapit sa isang bantog na food chain sa G. De Jesus St. Bgy. 139 makaraan ang halos isang linggong isinagawang paniniktik sa kanya ng pulisya.

Nakumpiska ng mga operatiba sa suspek ang humigit kumulang 80 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P 544,000 na nakalagay sa dalawang maliit na plastic bag pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang P500 genuine bill at anim na piraso ng tig-P500 boodle money.

Ayon kay Castillo, patuloy nilang isinasagawa ang paniniktik at pagmo-monitor sa mga taong sangkot sa ilegal na droga, batay na rin sa programang S.A.F.E. NCRPO ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jonnel Estomo.

Dinala na ng DDEU ang mga nakumpiskang droga sa PNP-NPD Forensic Unit upang isailalim sa chemical analysis habang nakapiit na rin sa DDEU Custodial Facility ang suspek habang inihahanda na ang mga dokumento para sa pagpi-prisinta sa kanya sa Caloocan City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

AUTHOR PROFILE