Default Thumbnail

Mahalaga ang visual learning

August 26, 2023 Magi Gunigundo 334 views

Magi GunigundoANG “visual learning” ay tinukoy bilang asimilasyon ng impormasyon mula sa mga visual na format. Mas naiintindihan ng mga mag-aaral ang impormasyon sa silid-aralan kapag nakita nila ito sa mga visuals tulad ng mga larawan, flowchart, diagram, video, simulation, graph, cartoon, coloring book, slide show/Powerpoint deck, poster, pelikula, laro, at flash card (Rodger et.al. 2009). Sa kabila ng mantra ng visual learning na “to see is to learn”, ang Dep Ed ay nag-utos sa 1 milyon guro na tanggalin ang lahat ng visuals sa silid-aralan. Hindi natin maubos maisip kung papaano ito makakatulong mabawasan ang learning poverty ng mga Pilipino.

Iniulat ng iba’t ibang pag-aaral na 75 sa lahat ng impormasyong naproseso ng utak ay nagmula sa mga visual na format. Higit pa rito, ang visual na impormasyon ay mas namamahay sa isipan ng mga mag-aaral (Williams, 2009).

Karamihan sa mga mag-aaral sa henerasyong ito ng nagbabago at modernong teknolohiya ay sanay na sa visual learning. Sa pag-aaral sa chemistry ng proseso ng fermentation o distillation, mas nauunawaan nila ang konsepto sa isang larawan o video kaysa sa isang tekstuwal na pagpapaliwanag ng proseso.

Ayon kay Dr. Lynell Burmark, “…maliban kung ang ating mga salita, konsepto, ideya ay nakakabit sa isang imahe, papasok sila sa isang tainga, maglalayag sa utak, at lalabas sa kabilang tainga.

Ang mga salita ay pinoproseso ng ating panandaliang memorya kung saan maaari lamang tayong magpanatili ng mga pitong piraso ng impormasyon (plus o minus 2) […]. Ang mga imahe, sa kabilang banda, ay direktang napupunta sa pangmatagalang memorya kung saan ang mga ito ay hindi maalis-alis.” Samakatuwid, mas nagtatagal sa memorya ng bata ang visuals kaysa sa mga salita na nabasa lamang.

Ayon sa Visual Teaching Alliance, 90 porsiyento ng impormasyong ipinadala sa utak ay visual. Bilang karagdagan, ang utak ay maaaring magproseso ng mga visual nang higit sa 60,000 beses na mas mabilis kaysa sa teksto. Ang visual learning ay nakakatulong na bumuo ng mga kasanayan tulad ng kritikal na pag-iisip, mas mahusay na paggawa ng desisyon, paglutas ng problema, at mas mahusay na pag-unawa at nakakaalis ng pagkabagot sa aralin.

Ang emosyonal na tugon at visual stimuli ay may isang simpleng dugtungan-pinoproseso ng tao ang visual na impormasyon at emosyon sa parehong bahagi ng utak. Nagtutulungan silang bumuo ng mga alaala. Ipinaliwanag ni Robert E. Horn ng Stanford University ang ugnayang ito nang malinaw “Kapag ang mga salita at visual na elemento ay malapit na pinagsama, lumikha tayo ng bago at dinadagdagan natin ang ating communal intelligence … ang visual na wika ay may potensyal para sa pagtaas ng ‘human bandwidth’—ang kapasidad na kumuha sa, pag-unawa, at mas mahusay na pag-synthesize ng malaking halaga ng bagong impormasyon.”

Ang Bare Wall Theory ni Anna Fisher ay hindi nagmumungkahing tanggalin ang lahat ng visuals sa pader ng silid-aralan bagkus pinapaubaya sa guro ang pasya kung ano ang pananatiliin sa silid na makakatulong sa mag-aaral.

Nasa edad na tayo ngayon ng visual learning kung saan laganap ang visual format sa bawat bahagi ng buhay ng tao kaya mahalaga ang visual learning bilang istratehiya sa pagsugpo ng kamangmangan. Sayang at patungo sa maling direksyon ang ginawang hakbang ng Dep Ed sa pagtatanggal ng lahat ng visuals sa silid-aralan na magpapanatili ng learning poverty ng bansa.

AUTHOR PROFILE