Magnanakaw ng kable, nasakote sa Sampaloc

March 22, 2022 Jonjon Reyes 182 views

SWAK sa selda ng Manila Police District-Sampaloc Police Station 4 ang isang scavenger, makaraang maaktuhang ninanakaw ang kable ng PLDT, Inc. (Philippine Long Distance Telephone Company) sa Sampaloc, Maynila, madaling araw nitong Lunes.

Nakilala ang suspek na si Kirashigi Viray, 20, binata at naninirahan sa Balut, Brgy. 128 sa Tondo.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Gene Licud, commander ng MPD Stn. 4, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang maispatan ng nakatalagang sekyu na si Joebert Lampad, 31, ng Bgy. Batasan, Quezon City ang suspek na dinidekwat ang mga kable ng telopono ng PLDT.

Naganap ang pagnanakaw ng suspek ng mga kable ng telepono sa Lacson Avenue at Piy Margal St. sa Sampaloc.

Agad sinita ang suspek saka pinosasan ng mga sekyu at dinala sa nasabing presinto.

Isang Sulayman Oddin, Asset Protection representative ng PLDT ang nagtungo agad sa presinto bilang complainant sa naturang insidente.

Nabawi naman ng mga operatiba ng Manila Police, España PCP (Police Community Precinct) ang mga nakulimbat na kable na aabot sa 300 pares ng 26 gauge at habang nasa 26 na metro na tinatayang nasa halagang P51,762 ang nabawi ng mga awtoridad. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE