Lalaki tinaga sa ulo ng gf habang nag-iinuman

March 22, 2022 Melnie Ragasa-limena 269 views

NAGAWA pang ituro ng isang lalaki ang kaniyang kinakasama na diumanoy tumaga sa kaniya sa gitna nang kanilang inuman sa Quezon City, noong Linggo ng gabi.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Roberto Ricohermoso Historillo, 43, biyudo, digital operator, tubong Oriental Mindoro at residente ng 31 Peñafrancia St., Brgy. Payatas-A, Quezon City.

Agad tumakas ang suspek na si Carmelita Legazpi, alias Ging, 47,at naninirahan sa Rosal Extension, Brgy. Payatas-A, sa lungsod.

Sa naantalang report ng Criminal Investigatigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 10:30 p.m. (March 20) nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Bienvenido DG Ribaya III ng CIDU, lumilitaw si Historillo Legazpi ay maglive-in partner.

Sa pahayag ng anak ni Romar, bago ang insidente ay nakita niyang nag-iinuman ang kaniyang ama at si Legazpi.

Ayon kay Romar, umalis lamang siya sandali ng kanilang tahanan at iniwanan na nag-iinuman pa ang kaniyang ama at ang suspek subalit pagbalik ay nakita niya si Legazpi na sakay ng motorsiklo.

Pagdating umano ni Romar sa kanilang tahanan ay bumungad sa kaniya ang duguan nang nakabulagtang ama at may malaking taga sa ulo.

Nang tanungin umano niya ang ama kung sino ang tumaga sa kaniya ay sumagot naman ang biktima ng……“SI GING ANG MAY GAWA NITO”.

Matapos ay agad na isinugod ng anak ang ama sa Rosario Maclang Hospital subalit pinauwi umano sila bandang 2: 50 a.m. at pinayuhan na sa kanilang tahanan na lamang magpagaling sa kabila ng tinamong malaking sugat sa ulo ng biktima.

Bandang 8 a.m. (March 21), napansin umano ni Romar na tila ‘ unconscious’ at may lumalabas na mga bula sa bibig ng ama kay dinala niya ito sa nasabi ring ospital pero idineklara na itong dead-on-arrival bandang 9:30 ng umaga ni Dr. Elvin Limjuico.

Hindi pa batid ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring krimen at patuloy pang tinutugis ang salarin.