CIA

Magkapatid na nag-away sa basura, pinag-ayos ng ‘CIA with BA’

July 6, 2023 Ian F. Fariñas 214 views

Muling pinatunayan ng CIA with BA sa pinakahuling episode nito ang kasabihan na “blood is thicker than water.”

Nitong Linggo, Hulyo 2, hinarap ng magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano at ng TV host na si Boy Abunda ang reklamo ni Gary Alonzo tungkol sa nakatatandang kapatid na si Berto na biglang ibinenta ang kanyang mga naipong kalakal na nagkakahalaga ng halos P3,000.

Ayon kay Berto, ang mga kalakal ay nagdudulot ng istorbo sa mga kapitbahay dahil nakatambak sa harap ng bahay kung saan nakatira rin si Gary.

Bukod dito, ang halaga na napagbentahan ni Berto ay itinuturing niyang bayad ni Gary sa kuryente at iba pa.

Ani Sen. Alan, “Obligasyon namin sabihin kung ano (ang) batas.”

“In one sense kasi, Gary, ang sinasabi nga niya (Berto), do’n nakatambak (‘yung mga kalakal), bahay niya ‘yon… may karapatan (siyang) tanggalin ‘yon,” sabi niya kay Gary. “Pero tama ka naman Gary na iba kasi ‘yung ‘tanggalin’ — ‘yung tatanggalin mo (ang) perwisyo — (at) iba ‘yung binebenta mo,” dagdag niya.

“Kasi ‘pag binenta mo, ari-arian niya (Gary) ‘yon. Kaya kung batas at batas ang pag-uusapan, pwedeng tanggalin ‘yon pero hindi mo dapat ibenta ‘yon kaya ‘yung pera dapat isauli sa kanya,” patuloy niya habang kausap si Berto.

Sinabi ni Sen. Alan na tutulungan ng programa ang magkapatid pero dapat nilang ayusin ang kanilang relasyon.

“Sasagutin na namin ‘yung tatlong libo, sasagutin namin ‘yung konting (halaga para sa) kuryente at tubig… hanggang do’n ‘yung tulong namin pero ‘yung relasyon niyo (bilang magkapatid), hindi namin kayang idikta ‘yon. Pero sana mag-usap kayong dalawa… ‘wag kayong aalis dito sa studio na hindi man lang bumabalik ‘yung turingan bilang magkapatid,” pakiusap ng senador.

Bago nagtapos ang “Case 2 Face” segment, humingi ng tawad si Gary kay Berto.

Bukod sa tulong pinansyal, nagbigay rin ang programa ng tulong para sa edukasyon ng anak ni Gary at maliit na pagkakakitaan.

Ang CIA with BA ay pagpapatuloy ng legasiya ni Senator Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador.

Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at host ng sikat na programang Compañero y Compañera mula 1997 hanggang 2001.

Patuloy na panoorin ang CIA with BA, kasama sina Alan, Pia at Boy tuwing Linggo ng gabi, 11:30, sa GMA-7.

AUTHOR PROFILE