Maganda ang laban sa Halalan 2022!

July 19, 2021 Marlon Purification 345 views

Marlon PurificationNGAYON pa lang, alam na natin na ‘exciting’ ang magaganap na eleksiyon sa susunod na taon.

Kahit wala pang opisyal na kumpirmasyon, may sapantaha na tayo na tuloy sa pagtakbo si Presidential Daughter, Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang tanong ngayon na lang ay kung sino ang makaka-tandem nito. Kung si Pangulong Duterte ba mismo, si House Majority Leader Martin Romualdez o dating Senador Bongbong Marcos.

Sa darating na August 5 naman daw mag-a-announce ang tambalang Senator Ping Lacson at Senate President Tito Sotto. Plano nga rin daw nilang kausapin si Senador Manny Pacquiao upang umatras na lang ito sa laban sa pampanguluhan at sa halip ay suportahan ang Lacson-Sotto tandem saka tumakbo uli sa pagka-senador.

Pabor daw ito kina Lacson dahil ang botong para sana kay Pacquiao ay makukuha nito. Kaya lang, may nagsasabing si Pacquiao sana ang magandang pambasag sa Mindanao vote na sinasabing balwarte ng mga Duterte.

Kung hindi na ito tatakbo sa pagka-presidente, walang kasiguruhan na hindi babalik sa kampo ni Inday Sara ang botong para sana kay Pacquiao.

Ito namang si Manila Mayor Isko Moreno ay nakikitaan na rin ng ‘peg’ na tatakbo this coming elections.

Talagang ayaw lang muna nito magdeklara ng maaga kasi baka madale ito ng mga bayarang troll at ayaw nitong matulad kay dating Vice-President Jejomar Binay na sa aga ng inilabas na pahayag na tatakbo sa pampanguluhan ay pinutakti ng demolition job.

Sabi ng source, selyado na ang tambalang Isko at Senator Grace Poe. Pero malamang na magbago ito dahil maaaring umatras ang senadora para hindi makalaban o makatapat si Tito Sen na malapit sa pamilya ni Action King Fernando Poe Jr., (RIP).

Tahimik at wala pang masyadong ingay ang kampo ni Senador Bongbong Marcos, gayundin si Vice-President Leni Robredo.

Anu’t anuman ang mangyayari sa darating na Oktober 1-8, ang takdang araw na filing ng candidacy sa mga eleksiyong pang-nasyunal, sana’y maging mapayapa ang darating na halalan.

Ang unang dapat mangyari ay malinis muna ang lahat ng uri ng social platform na marami nang umaabuso at nang-aabuso. Sana, lahat ng troll ay makastigo agad para naman maiwasan na ang pagpapakalat ng fake news.

Malaking bagay po ang pagbibigay ng impormasyon sa ating mga kababayan kaya hindi maganda kung ang mga social media platform na magandang tuntungan sana para sa ipalalabas na mensahe ng mga kandidato ay mabababoy at mababalaura ng iilang bayarang troll.

Sana rin, manatiling ‘maginoo’ ang mangyaring labanan sa halalan – pang nasyunal man iyan o lokal.

Antabayanan pa natin ang magaganap na halalan sa pagka-presidente at bise-presidente marami pa rin mangyayari bago ang buwan ng Oktubre.