“Sayang” si Ces Drilon at tulong sa 50K tindahan

July 19, 2021 Paul M. Gutierrez 186 views

PaulMARAMI ang nagulat at hindi makapaniwala sa naging desisyon ng respetado at sikat na ‘broadcast journalist’ na si Ces Drilon, dating ‘mainstay’ sa ABS-CBN News Department.

Magmula kasi nang tanggihan ng Kongreso na bigyan ng bagong prangkisa ang kumpanya noong isang taon dahil sa mga nakitang paglabag sa mga batas at regulasyon ng gobyerno, mukhang masyadong apektado ang career ni Ces?

Kung sabagay, aanhin mo nga naman ang kredibilidad kung wala ka namang kwarta, ganun kaya ‘yun?

Mayroon pala kasing binuksan na bagong ‘radio talk show’ si Ces pero ang hindi nagustuhan ng mga miron ay ang kanyang ka-tandem na si ‘Ang Probinsiyano’ Party-list representative, Alfred Delos Santos.

Sa mga mabilis makalimot, “sumikat” ang kongresista dahil sa “pang-uumbag” (translation: “pananapak”) niya ng waiter sa isang ‘restaurant’ sa Legazpi, Albay noong 2019.

Sinasabing “lango” sa alak ang mambabatas nang “sapakin” ang binatilyong waiter.

Nang mahulasan, ehek, pagkatapos namang ‘mag-viral’ ang insidente, “humingi ng patawad” si Cong. Umbag, err, Cong. Delos Santos.

Himutok naman ng mga miron, ‘of all people,’ “bakit” (daw) “pumayag” si Ces na maging katambal ang matikas na mambabatas samantalang puwede namang sa “iba” na lang?

Dangan kasi, ang nasabi pa ring insidente ang “nakabalandra” sa ‘Google’ at Internet sa tuwing hahanapin ng sino man ang pangalan ni Cong. Alfred Delos Santos.

Ang malungkot naman, “kinuyog” ng mga ‘bashers’ si Ces Drilon sa kanyang ‘Instagram account’ nang “ianunsiyo” niya ang programa nilang “Basta Promdi Lodi.”

“Marami pang ibang interview po. There’s nothing good that congressman brings anywhere,” turan ni genevievecaparas sa kanyang comment.

“Talaga bang co-cost mo yan?Hahaha you can get more way, way credible people. You have more time po!” banggit naman ni tifftoneysoriano.

“Nice comeback @cesdrilon BUT THAT GUY?? Will affect your reputation and good public character. Beware po, “sabi naman ni iamkinsleyboucher.

Hmm. ‘Blocktime program’ kaya ang kanilang talk show? ‘Yung bang… “binayaran” ang oras sa radyo para mabigyan ng ‘time slot.’

Kung ganito nga, nagtatanong ang mga miron kung kaninong pera galing ang ipinambabayad para sa block time?”

At ano na nga pala ang nangyari sa kanyang ethics case sa Kongreso dahil sa insidente? Bakit hindi siya napatawan ng kahit anong parusa at bagkus ay ‘promoted’ pa bilang ‘Deputy Majority Leader.’

Harinawang hindi “makanal” sa kanyang naging desisyon si Ces Drilon at maapektuhan pa ang kanyang kredibilidad. Sayang naman dahil magaling naman talaga siyang mamamahayag. Peksman!

***

Mas “nilawakan” pa pala ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang kanyang programang pagtulong at pag-alalay sa mga napilayan ng kabuhayan dahil sa pandemyang COVID-19.

Hindi pa kuntento si Cayetano sa halos 6,000 ng benepisyaryo na nakatanggap ng Sampung Libong Pag-asa o 10K Ayuda dahil inilunsad na rin nya ang pagtulong sa mga sari-sari stores sa buong bansa.

Alam naman natin na mahalaga ang papel ng mga maliliit na tindahan (“sari-sari stores”) sa mga barangay lalo na sa mga liblib na lugar at kanayunan.

Alam din natin na dahil sa pandemya, karamihan sa mga ganitong tindahan ay napilitang magsara dahil “naubos” na ang puhunan. O kaya naman, “sila” na rin ang umubos sa kanilang paninda dahil wala namang natanggap na ayuda.

Kaya naman naisipan ni Cayetano ang sari-sari store community upang mabigyan ng P3,500 ang mapipiling tindahan.

Ang P2,500 ay para ipandagdag sa puhunan at ang P1,000 naman ay dagdag sa iba pang gastusin ng sino mang sari-sari store owner.

Maliban sa P3,500, may ibibigay din na ‘training’ para sa mga benipisyaryo upang masiguro na hindi malulugi ang kanilng negosyo.

Target ni Cayetano na mabigyan ng pondo ang may 50,000 sari-sari stores sa buong bansa. Nagkaroon na rin ito ng soft launching sa Baguio City, Dagupan, Olongapo at maging sa ilang lugar sa Bulacan.

Ang sabi nga ni Cayetano, kailangang patuloy na tulungan ng gobyerno at ng mga indibidwal na may kakayahang tumulong ang karamihan sa ating mga kababayan na “hikahos” pa rin dahil sa pandemya.

At siyempre, tuloy-tuloy pa rin ang P10K Ayuda ni Cayetano at ng ‘BTS’ sa Kongreso.

Patuloy din ang konsultasyon ni Cayetano sa sektor ng agrikultura na umaaray ngayon sa mababang presyo ng kanilang mga produkto habang mataas naman ang gastos sa mga ‘farm inputs.’

Hmm. Sila naman kaya ang “aarugain” ni Cayetano? Abangan!

AUTHOR PROFILE