Karambola ng mga partido

July 19, 2021 Allan L. Encarnacion 297 views

Allan EncarnacionNAGKAKAGULO na parang hinalong kalamay ang PDP-Laban.

Iyong Pacman na sumibak sa mga dating miyembro ang siya ngayong nasibak. Iyong Koko na original Laban ang siya ngayong naging “kalaban.”

Si Cusi na tinanggal bilang Vice Chairman ng PDP ang siya ngayong Presidente ng partido na dating puwesto ni Pacman.

Katulad din ito noong nagkagulo ang Liberal Party na may faction si Congressman Mike Defensor at may sariling faction din si Congressman Lito Atienza.

Kalaunan, sinibak din ni LP head Senador Frank Drilon si Atienza bilang miyembro ng partido at kinilala si Mike.

Ganyan palagi ang intramurals sa mga partido kapag hindi nagkakasundo ang mga opisyal at ang miyembro. Ang tanong na lang ngayon, ano na ang magiging postura ni Koko na tunay na anak at lumaki PDP-Laban?

Kaya ba niyang mapa-invalidate ang ginawa ng PDP-Laban sa Clark gayong mga lehitimong miyembro rin naman sila?

Ano na ang mangyayari sa kandidatura ni Pacquiao bilang Pangulo sa 2022? Kung wala siyang partido, tutuloy pa rin kaya siya sa pagtakbo? Hindi ko maalala kung mayroon nang independent serious Presidential candidate ang kumandidato sa mga nakaraan maliban sa mga idineklara ng Comelec na nuisance.

Nariyan pa rin naman ang NPC ng yumaong Ambassador Danding Cojuangco na binabanggit ni Senate President Tito Sotto ang posibilidad na ampunin nila si Pacman. Ibig kayang sabihin nito ay tuloy na ang Pacsot tandem or Pacman-Sotto team? Ang susunod na tanong, kung mangyayari naman ito, paano na si Senador Ping Lacson na target din ang 2022 Presidency na ang bise-presidente naman niya ay si Sotto?

Ang LP ay wala pang matibay at malakas na kandidato, lalo na’t umuugong ang pagtakbo ni VP Leni bilang governor ng Camsur laban sa anak ni Congressman Lray Villafuerte na si Luigi.

Kung maramdaman naman ni Leni na masyadong malakas si Luigi, baka mas maisipan naman niyang kumandidatong Presidente kaya lalong walang lugar si Pacman sa LP.

Pumapasok sa eksena ang 1Sambayan na gusto ring gawing kandidato si Manny. Ang problema sa 1Sambayan, gustong tumaya sa lahat ng kabayo, masyadong dehadista at liyamadista!

Sa dami ng gustong ikandidato ng 1Sambayan, malamang partylist lang ang gusto nilang takbuhan. Hindi malaman kung sino talaga at ano talaga ang gusto nilang gawin sa buhay nila.

Sabi nga ng matatanda sa una, “ang ibon na palipat-lipat ang hapon, ipot man, hindi makaipon!” Paano magkakaroon ng poder ang 1Sambayan gayong sila mismo ay may identity crisis?

Ang mga nangyayari ngayon ay palatandaan ng mas magulo at karambolang eleksiyon sa 2022. Sa dami ng mga lumulutang na kandidato, wala pa rin ang gustong magdeklara nang totohanang pagtakbo.

Kung sino man sa kanila ang tutuloy, nasa mga botante pa rin ang pasya, wala ito sa kamay ng magugulong partido na mas inuuna ang sari-sariling interest kaysa sa interest ng bansa.

allanpunglo@gmail.com