PNP

Mabilis na aksyon

May 14, 2023 People's Tonight 393 views

TALAGANG napakalaki ang naitutulong ng highly-successful overseas employment program ng gobyerno sa paglago ng ating lokal na ekonomiya kahit panahon pa ng krisis.

Kaya lang ang dami-dami ding problema na dulot ng dollar-oriented na “manpower export industry,” kasama na diyan ang illegal job recruitment at human trafficking.

Sa totoo lang, maraming overseas Fiipino workers (OFWs), na kadalasan ay mga batang babae, ang lumalayas sa bahay ng kanilang mga among dayuhan.

Kung minsan ay nakukulong pa sila dahil sa gawa-gawang reklamo ng mga walang pusong amo. Kadalasan ay mga biktima sila ng mga buwisit na illegal recruiter.

Kaya nga umani ng palakpak ang Philippine National Police (PNP) nang sagipin ng kanilang mga operatiba ang 17 Malaysian nationals na nagtatrabaho sa Cavite.

Sa isang paunang report, sinalakay ng mga police operatives, sa request ng Malaysian authorities, ang isang job site sa Kawit, Cavite kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni PNP chief Gen. Benjamin C. Acorda Jr. na ang mga nagrereklamong Malaysian national ay hindi umano tinatrato ng mabuti sa kanilang pinagtatrabahuan.

Ayon pa kay Acorda, ang mga nasagip na Malaysian national ay “properly turned over” kay Supt. Norazman Hassan Basari, ang police attache ng Malaysian police.

Sana ganyan din kabilis mag-responde ang mga otoridad sa ibang bansa kung may reklamo ang ating mga migrant worker laban sa kani-kanilang mga foreign employer.

Sa mabilis na aksyon ng mga tauhan ni Heneral Acorda ay kitang-kita ang malasakit ng ating mga pulis sa kapakanan ng mga manggagawa, lokal man o dayuhan, sa bansa.

A snappy salute sa inyong lahat diyan sa Philippine National Police!

AUTHOR PROFILE