Paul Gutierez

Maaga pang pag-usapan ang 2028 elections

April 2, 2024 Paul M. Gutierrez 90 views

HALOS tabla sina Senador Raffy Tulfo at VP Sara Duterte sa mga top choices na posibleng tumakbo sa 2028 presidential race base sa isang survey ng Pulse Asia na laman ng mga balita.

Mula nang mahalal noong 2022, laging mataas ang trust, approval at popularity in Inday Sara sa halos lahat ng panig ng bansa. Ngayon, biglang sumirit ang pangalan ng utol ni idol ACT-CIS Party List at Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo at tumabla pa sa unahan sa anak ni ex-PRRD (Ex-Pres. Digong).

Kung ating babalikan ang ilan sa mga nagdaang presidential derby, hindi tumutugma ang resulta ng mga maagang namamayagpag sa survey.

Noong 1992 elections, matunog sa mga survey ang pambato ng LDP (Laban ng Demokratikong Pilipino) na si dating House Speaker Ramon Mitra ngunit tinalo siya ni FVR, na ang nakadikit pa ay si dating Senador Miriam Defensor-Santiago.

Si dating Speaker Joe De Venercia naman ang pambato ni FVR bilang kanyang tagapagmana subalit hindi umubra ang makinarya ng Lakas-NUCD noong 1998 sa “Ama ng Masa” na si dating pangulong Erap. At s’yempre ang 2004 presidential derby na pinagwagian ni ex-PGMA laban kay ‘Da King FPJ, na siyang inendorso ni Erap. Halos lagi rin nangunguna noon sa mga survey si FPJ.

Sa 2010 polls, arangkada agad sa mga survey si dating Senate President Manny Villar na animo’y sure win na sa dami ng malalaking personalidad na naghayag ng suporta. Hanggang sa magdeklara si ex-president Noynoy Aquino ilang buwan matapos pumanaw si dating Pangulong Cory. And the rest is history. (Note: Si Erap pa ang pumangalawa).

At sino rin ang mag-aakala na halos mangulelat sina ex-VP Jojo Binay at Senador Grace Poe na talagang hataw sa mga survey bago ang 2016 elections. Hanggang lumutang si ex-PRRD at nanguna na sa mga survey, pero sa panahon na ng kampanya.

Naiiba lamang ang 2022 elections dahil halos mula umpisa hanggang sa resulta ng halalan ay pangalan ni PBBM ang bumandera.

Wala tayong masamang ibig sabihin sa lumabas na survey. Sinasabi lang natin na masyadong maaga pa para pag-usapan ang 2028, dahil marami pang posibleng mangyari at posible rin na may iba pang mga pangalan na lumutang sa mga darating na panahon.

Ang mas mainam na pagtuunan natin ng pansin ang mas makabuluhang mga bagay, suportahan natin ang mga programa at adhikain ng administrasyon ni PBBM at tigilan muna ang pang-iintriga, bagkus ay magtulungan para sa kapakanan ng bawat Pilipino.

AUTHOR PROFILE