Default Thumbnail

LTOPF caravan ikinasa sa Nueva Ecija

July 6, 2023 Steve A. Gosuico 656 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–PANGUNGUNAHAN ng Agila ng San Antonio Patriots Eagles Club (ASAPEC) ang isang araw na License To Own and Possess Firearm (LTOPF) caravan kasama ang lokal na pamahalaan ng San Antonio at kapulisan upang tulungang mapalakas ang kampanya ng pamahalaang nasyunal kontra loose firearms.

Sinabi ni ASAPEC President Armando M. Cruz, na siya ring municipal budget officer, na nakatakdang isagawa sa Hulyo 11, 2023 sa Dr. Jose Lapuz Salonga Gymnasium ang caravan dahil na rin sa kahilingan ng mga bagong gun-holders sa Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) sa Camp Crame.

“Maraming nag-request na new gun applicants sa atin na magsagawa tayo ng LTOPF caravan which is a combined effort ng ASAPEC at ng ating munisipyo sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arvin C. Salonga at ng ating kapulisan,” tugon ni Cruz sa Journal Group.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi naman ni Salonga na ito ang unang caravan makalipas ang mahigit dalawang taon mula nang isagawa ang huling LTOPF caravan noong Enero 2021.

Sinabi ni Cruz na isa lamang sa mga projects ng kanilang “Alalay ng Agila” na ipinatutupad ngayong taon bilang kanilang maliit na ambag ng pagtulong sa mamamayan at sa komunidad.

Nasa ilalim ng Central Luzon Region 15 (CLR 15) Fraternal Order of Eagles-Philippine Eagles (TFOE-PE) ang naturang proyekto.

AUTHOR PROFILE