Parak, tropa nalambat sa cigarette smuggling
ARESTADO ang isang pulis at kasama nitong negosyante matapos na maaktuhan na nagbebenta ng mga smuggled na sigarilyo sa isinagawang anti-smuggling operation sa Molave, Zamboanga del Sur.
Kinilala lamang ni Police Regional Office (PRO) 9 spokesperson Police Major Shellamie Chang ang naaresto na isang pulis na nakatalaga sa Zamboanga City Police Office Station 1 at 28 anyos naman ang kasama niyang naaresto.
Hindi na nakapalag ang mga suspects nang posasan matapos na maaktuhang nagbebenta ng mga smuggled na sigarilyo sa police poseur buyer.
Nakuha mula sa kanilang pangangalaga ang 16 master cases ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P560,000, dalawang sasakayn, isang 9mm glock pistol, live ammunitions at marked money.
Dinala ang mga naaresto sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Zamboanga del Sur para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang PNP ng impormasyon hinggil sa pagkakasangkot ng mga suspects sa illegal na gawain sa Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Sur kung kaya’t agad ng ikinasa ang operasyon laban sa mga ito.