Family

Lovelife, hiling ni Agot sa Pasko

December 9, 2022 Vinia Vivar 111 views

Isa sa mga hiling ni Agot Isidro ngayong Christmas ay magkaroon ng lovelife.

Bagama’t happy and complete raw ang feeling niya, siyempre, iba pa rin kung may kasama siya.

“Ano na ‘ko, eh, complete and I’m happy. Actually, I’m happy being alone but, ‘di ba, parang masaya rin ang may kasama?” sey ni Agot nang makatsikahan namin sa mediacon ng Family Matters.

“Hindi ko naman siya actively na hinahanap. It would be nice, it would be pleasant. It could be a gift,’ patuloy niya.

Kailan niya naramdamam na ready na siya ulit na ma-in-love?

“Actually, wala lang. Parang maybe siguro, it’s the holiday season kaya medyo nararamdaman ko ‘yung lungkot. Konti lang naman. Pero ‘pag iniisip mo na baka naman hindi ibinibigay sa ‘yo dahil hindi ka pa handa. Actually, parang okay pa naman ako, being alone. But then, it would be nice,” aniya.

Choosy pa rin ba siya?

“Oo. At this point, I will not compromise. Kasi okay naman nga ako,” she said.

Asked kung ano ba ang qualities talaga na gusto niya sa isang lalaki, sey ni Agot, basta mabait at ‘yung hindi siya babaguhin.

“Matanda na ako, mahirap na akong magbago,” natatawa niyang sabi.

Matatandaan na ang huling ipinakilala ni Agot sa publiko na boyfriend niya ay ang dating Solicitor General na si Florin Hilbay.

Hindi na malinaw kung kailan sila nag-break.

Nagpakasal ang aktres kay Manu Sandejas noong taong 2000 at na-annul naman noong 2010.

Samantala, proud and honored si Agot na makasama sa isa sa entries ng Metro Manila Film Festival 2022 na Family Matters with Noel Trinidad and Liza Lorena.

Sa trailer pa nga lang ay kitang-kita na mukhang hahakot din ito ng awards. At take note, in just a fews days ay nakakuha ang trailer ng mahigit 35 million views sa iba’t ibang platforms.
Produced by Cineko Productions, kasama rin sa cast sina Nonie Buencamino, Mylene Dizon, James Blanco, Nikki Valdez, JC Santos, Ana Luna, Ina Feleo, Ketchup Eusebio, Roxanne Guinoo at introducing si Ian Pangilinan.

Ito ay mula sa direksyon bi Nuel Naval at panulat naman ni Mel Mendoza-del Rosario.

Ang kwento ng pelilkula ay tungkol sa mag-asawang may edad na sina Francisco at Eleanor at ang kanilang mga anak: Ang successful na panganay na si Kiko; ang homemaker na si Fortune, ang single pa rin na si Ellen, at ang happy-go-lucky na si Enrico.

Mabubulabog ang kanilang buhay nang magdesisyon si Ellen (na nag-aalaga sa kanyang mga magulang) na magtungo sa US para subukang hanapin ang kanyang pag-ibig doon.

Mababahala ang magkakapatid sa pag-alis ni Ellen at maghahali-halili sila sa pag-aalaga sa kanilang mga magulang, lalo na sa sakiting si Francisco.

Dahil sa mensahe ng pelikula, inaprubahan agad nina Mayor Enrico Roque at ng mga executive ng Cineko ang pitch nina Mel at Direk Nuel.

Sakto sa panlasa ng Cineko ang family-oriented movie.

“Family drama ang kanilang hinahanap dahil matagal nang walang nagpo-produce ng ganito,” paliwanag ni Mel. “Nang mabasa ang script, nagustuhan agad. Halos walang comment. Binigyan kami ni Nuel ng kalayaan sa pagpili ng mga artista at sa paggawa ng pelikula.”

Ayon kina Mel at Direk Nuel, maski ano pa man ang edad, kasarian o social status, makaka-relate ang bawa’t isa sa atin sa mga karakter sa pelikula.

AUTHOR PROFILE