Default Thumbnail

LOLO TINAGA SA LEEG, DEDO

March 4, 2024 Melnie Ragasa-limena 86 views

DEAD on the spot ang isang 70-anyos na lolo matapos mataga sa leeg ng kanyang nakaalitan na kapitbahay Linggo ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang residente ng Barangay Holy Spirit.

Sugatan din ang mag-inang kapitbahay ng biktima na edad 60-anyos at anak nitong edad 28-anyos.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg. Lorenz Mappala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa harap ng bahay ng mag-inang kapitbahay ng biktima.

Bago ang krimen, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at 28-anyos na anak ng kapitbahay na humantong sa suntukan.

Dito na nagtungo sa Barangay Hall ng Holy Spirit ang biktima upang ipa-record ang insidente.

Makalipas ang ilang oras, ang 60-anyos na kapitbahay naman ang nakaalitan at pinagtataga ng biktima sa kaliwang kamay at tiyan.

Humingi ng tulong ang 60-anyos na babae na nirespondehan naman ng kanyang mga kaanak. Mabilis na dinala ito sa East Avenue Medical Center.

Nakita ng anak ang pangyayari at sinaklolohan ang ina subalit maging siya ay pinagtataga ng biktima.

Dahil dito ay nakipagpambuno siya sa biktima at naagaw ang jungle bolo saka tinaga ang huli sa leeg na sanhi ng agarang kamatayan nito.

Sa pagsisiysat naman ng Scene of the Crime Operation o SOCO Team sa pangunguna ni PCpt. Erick Angayangay, nakuha sa crime scene ang isang jungle bolo na ginamit sa krimen.

Patuloy ang pagiimbestiga ng pulisya sa nasabing krimen.