Posas

Bet na song hindi nakanta nanaga, tiklo

March 4, 2024 Edd Reyes 68 views

DAHIL hindi nakanta ang bet nyang song, muntik ng mamatay ang lalaki kung hindi nailagan ang taga sa ulo ng kanyang kapitbahay noong Linggo sa Malabon City.

Nagtatakbong humingi ng tulong si alyas Michael, 42, ng 3 White Lily St., Araneta Village, Brgy. Potrero pagkatapos mailagan ang taga ni alyas Reynaldo habang sila’y nag-iinuman alas-9:30 ng gabi.

Lumabas sa imbestigasyon nina Malabon police homicide investigators P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg. Michael Oben na nag-iinuman habang nagkakantahan sa kanilang lugar sina Michael nang dumating ang suspek at humirit na kantahin ang paborito niyang kanta.

Nang hindi pinagbigyan ni Michael, galit na pumasok sa bahay ang suspek at paglabas bitbit na ang jungle bolo at pinuntirya ang ulo ng biktima.

Rumesponde sina Dionisio Soriano at Estevan Arevalo, tanod ng Brgy. Potrero, kasama sina P/SSg. Emerson Pedrasta at Pat. Jeffrey Baluyan ng Malabon Police Sub-Station 1 kaya natiklo ang suspek at nakuha ang itak.

Nakatakdang iharap ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin niyang kasong frustrated murder.

AUTHOR PROFILE