Lolo, 72, natagpuang walang buhay sa loob ng tricycle

October 30, 2022 Melnie Ragasa-limena 193 views

NATAGPUANG wala ng buhay ang isang 72-anyos na lolo sa loob ng nakaparada niyang tricycle sa Brgy. Manresa, Quezon City, Sabado ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Juanito Rivera, 72, at residente ng No. 48 Sapocoy St., Brgy. Manresa, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:40 ng umaga (October 30), nang madiskubreng wala nang buhay ang biktima sa loob ng nakaparada niyang tricycle sa kanto ng Sapocoy at Mauban Sts., Brgy. Manresa, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Alexiss Mace L Jurado ng CIDU, napansin umano ng kasamahang driver na si Federico Habal na nakahiga ang biktima sa minamaneho nitong tricycle.

Nang lapitan at mapansin na hindi na ito humihinga ay sinubukan pa niyang ire- resuscitate ang biktima subalit hindi rin ito nagbalik sa kamalayan kaya inireport na niya sa mga Barangay officials ang insidente.

Wala namang nakitang external injury ng SOCO team ng QCPD na pinamumunuan ni PSMS Federico Manzano, kaya hinalang namatay ito sa sakit.

Huling nakitang buhay ang biktima bandang 9:56 ng umaga noong October 29, habang natutulog sa nakaparada niyang tricycle.