Paranaque police nagsagawa ng surprise inspection sa PITX

October 30, 2022 Edd Reyes 144 views

NAGSAGAWA ng sorpresang pagi-inspeksiyon ang Paranaque City Police Station sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) upang alamin ang kahandaan ng pamunuan sa naturang terminal sa pagdagsa ng mga bibiyahe palabas ng Metro Manila pati na sa kanilang inaasahang pagbalik matapos ang Undas.

Pinangunahan mismo ni Paranaque police chief P/Col. Renato Ocampo, kasama si deputy chief of police P/Lt. Col. Rey Tad-O at mga tauhan ng Police Sation-3 nang magtungo sa PITX na nasa Kennedy Drive, Brgy. Tambo dakong alas-10:30 ng umaga upang magsagawa ng inspeksiyon.

Kinausap ni Col. Ocampo ang mga pasaherong naghihintay ng kanilang masasakyang bus patungo sa kanilang destinasyon upang alamin kung may naranasan silang hindi kaaya-aya habang naghihintay ng kanilang masassakyan.

Nakipag-dayalogo rin ang kapulisan sa mga may-ari ng iba’t-ibang establisimientong nasa loob ng pinakamalaking terminal ng mga sasakyang pang-lupa sa katimugang bahagi ng Metro Manila upang alamin din kung nagkaranas sila ng problema sa mga namimili o kumakain sa kanilang establisimiento.

Isinagawa ng Paranaque police ang naturang pagi-inspeksiyon bilang bahagi ng programang S.A.F.E. NCRPO ni P/BGen. Jonnel Estomo na layuning matiyak ang kaligtasan ng mamamayan at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng bawa’t komunidad, establisimiento at kapaligiran.

Sa kabuuan ng isinagawang inspeksiyon, wala namang nakitang problema ang kapulisan sa loob ng PITX dahil naging maayos ang pamamalakad ng pamunuan, pati na ang pagkakaloob nila ng seguridad sa mga pasahero at maging sa mga nangungupahang may-ari ng mga establisimiento.

Pinuri rin ng kapulisan si Jason Salvador na siyang namumuno sa Corporate Affairs and Government Relations ng PITX dahil naging maayos ang ginagawang pakikitungo at pagpapaliwanag sa mga pasaherong hindi kaagad makasakay ng bus patungo sa kanilang destinasyon.

AUTHOR PROFILE