tugade

‘Libreng Sakay’ muli mula sa DOTr, LTFRB

April 11, 2022 Jun I. Legaspi 197 views

MAY handog na magandang balita ang Road Transport Sector ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) lalo na ngayong Semana Santa.

Simula nitong Lunes, Abril 11, 2022, ay nagbabalik na ang “Libreng Sakay!”

Nagsimula na muli ang “Service Contracting Program”, na siyang nagbibigay-daan sa implementasyon ng Libreng Sakay.

Ang pagpapatuloy ng programang “Libreng Sakay” sa ilalim ng Service Contracting Program Phase 3 ay alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Art Tugade na bigyan ng transport assistance ang ating mga kababayan, lalong-lalo na ang medical frontliners at iba pang essential workers.

Inaasahan din na bukod sa EDSA Busway ay palalawakin rin ang free ride service sa ibang bahagi ng bansa.

Sa pamamagitan din ng Service Contracting Program, mabibigyan ng insentibo ang mga drayber at operator base sa bilang ng kanilang nakumpletong biyahe kada linggo – may sakay man o wala.

Inaasahan na marami ang matutulungan ng programa kasabay ng kasalukuyang “Libreng Sakay” na ipinatutupad rin sa MRT-3.

Ito ang layunin ng DOTr upang makatulong sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga operator at driver, at makapagbigay ng maaasahan at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga kababayan.

AUTHOR PROFILE