Default Thumbnail

Lalaki ‘sinunog’ sarili, patay!

October 2, 2022 Melnie Ragasa-limena 2809 views

ISANG lalaki ang pinaniniwalaang sinunog ang sarili sa parking lot sa Tomas Morato sa Quezon City, Sabado ng hapon.

Ang lalaki ay 38 anyos, binata, walang trabaho, tubong Benguet, at taga-Laguna.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 5:15 p.m. (October 1), nang sunugin umano ng biktima ang sarili sa isang parking lot sa Tomas Morato Ave., Brgy. South Triangle, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Alexiss Mace L Jurado ng CIDU, noong Mayo 22, 2022, lumilitaw na ipina-deport pabalik sa Pilipinas mula sa Phoenix, Arizona, United States of America (USA), ang lalaki matapos na mapatunayang nagkasala umano sa kasong armed robbery.

Noong September 18, 2022, bandang 12:55 p.m. ay naaresto ang biktima ng mga operatiba ng Kamuning Police Station 10 ng QCPD sa kasong physical injury at pansamantalang pinalaya nitong September 27, matapos na makapag-piyansa.

Nitong October 1, nalaman ng mga pulis na bumili ang biktima ng limang liters plastic fuel tank sa Mr. DIY at 3.84 liters ng Xtra unleaded fuel mula sa Petron Gasoline Station, na nasa kanto ng Timog Ave., at Tomas Morato.

Matapos ang ilang minuto, isang kostumer ng isang restaurant ang nakakita sa biktima na nagliliyab umano ang buong katawan sa nasabing parking lot sa Tomas Morato.

Agad na inireport ng nakasaksing kostumer ng restaurant sa mga opisyal ng barangay ang insidente at mabilis namang nagresponde sina Albert Barcellona at Rogelio Valencia pero sunog na katawan na ng biktima ang kanilang naabutan.

Nakasamsam naman sa crime scene ang SOCO team mula sa QCPD PNP Forensic Unit na pinamumunuan ni PLt. Aldrin Domingo, ng asul na eco bag na naglalaman ng mga dokumento na may pangalan ng binata, mga resibo mula sa Mr. DIY at Petron Gasoline Station na may petsang October 1, 2022, at sunog na plastic container sa tabi ng biktima.