Lalaki nahulihan ng mga baril, bala sa loob ng bahay

March 30, 2022 Edd Reyes 150 views

SINALAKAY ng puwersa ng kapulisan ang bahay ng isang lalaking hinihinalang nag-iingat ng hindi lisensiyadong baril at mga bala, Martes ng hapon sa Taguig City.

Sa bisa ng inilabas na search warrant ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Judge Antonio M. Olivete ng Branch 267, nilusob ng pinagsanib na puwersa ng Taguig City Police Sub-Station-7 at Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang tirahan ni Ruwel Dela Cruz, 29, sa Phase 7, Sitio Imelda, Bgy. Upper Bicutan, dakong alas-4:15 ng hapon.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, sinaksihan ng mga opisyal ng Bgy. Upper Bicutan ang ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng pulisya sa bahay ni Dela Cruz kung saan nakuha ang isang kalibre .38 revolver, pati na ang holster nito, 38 piraso ng mga bala ng kalibre .38, at lalagyan ng bala ng kalibre .9mm na pistola.

Dinala ng pulisya sa tanggapan ng Taguig Police Investigation and Detective Management Section (IDMS) si Dela Cruz para sa pagsasaayos ng mga dokumento kaugnay sa paghahain laban sa kanya ng kasong paglabag sa R.A.10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act in relation to Omnibus Election Code sa piskalya ng Taguig City.

“Ito ay parte ng aming paghahanda sa parating na election, we want a peaceful elections this coming May 9, 2022, at hindi kami puwedeng maging kampante kaya naman lahat ng nagmamay-ari ng baril na walang sapat na dokumento ay kailangan pansamantalang i-turnover sa pangagalaga ng kapulisan upang hindi ito magamit sa anumang krimen, umasa kayo na tuloy tuloy pa ang aming operasyon kontra illegal firearms habang papalapit ang eleksiyon,” pahayag ni Macaraeg.

AUTHOR PROFILE