2 bilanggo doble asunto sa robbery, ‘sex assault’

March 30, 2022 Jonjon Reyes 110 views

DALAWANG lalaki na pawang nakakulong ang sinilbihan ng “warrant of arrest” ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa kasong robbery at sexual assault sa New Bilibid Prison (NBP) Medium Security Compound sa Camp Sampaguita, Poblacion, Muntinlupa City at isa naman mula sa Las Piñas City Jail, nitong Lunes ng hapon.

Ayon kay P/Major Cicero Pura, hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) ng MPD, bandang alas-5:30 ng hapon nang ihaing ang mga warrant kay Ariel Dela Torre, 40, may asawa at residente ng Libis, Espina St., Caloocan City.

Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Jean Marie Bacorro Villena ng Regional Trial Court (RTC) Branch 28 ng Maynila sa nasabing piitan sa Muntinlupa City na may petsang Marso 28, 2018 at inilaan ang piyansa sa halagang P100,000.

Kaugnay nito, nagtungo naman ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr. sa BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) Las Piñas City Jail kasama ang ilang tauhan ni P/Maj. Ronillo Aquino ng 4th MFC ng Regional Mobile Force Batallon (RMFB) bandang alas-2:30 ng hapon.

Nakipagkoordina muna ang grupo sa jail warden saka sila nagtungo sa Male Dormitory na kung saan nakakulong ang suspek na si Edmark Lacat, 27, may asawa, at residente ng Everlasting Homes Talon 4, Las Piñas City.

Bitbit ang arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Elizabeth Yu- Guray ng RTC Br. 202 ng Las Piñas City na may petsang Pebrero 22, 2022, dahil sa kasong sexual assault (Art 266-A) Par. 2 in relation to Art. Sec 5 (B) Republic Act 7610. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE