
Mekaniko dedo sa pamamaril sa Tondo
DROGA ang isa sa tinitignang imbestigahan ng Manila Police District (MPD) sa pagpaslang sa isang 36-anyos na lalaki mula sa nag-iisang gunman sa Tondo, Maynila, hapon ng Martes.
Nakilala ang biktimang si Alshock Tayo, helper mechanic, may ka-live in, at residente ng Mercado St., Bgy. 50, Tondo.
Samantala, nagsasagawa na ng manhunt operation laban sa tumakas na suspek na naka-itim na long sleeve, pulang jogging pants, nakasuot ng face mask, payat ang pangangatawan, at nasa 5’7 ang taas na lulan ng Yamaha Mio na kulay pink at walang plaka.
Base sa ulat na isinumiti ni Det. Dennis Suba kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section, bandang 2:00 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa loob umano ng garahe ng biktima sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ni Det. Suba, habang inaayos ni Tayo ang kanyang e-trike (electric tricycle) sa loob ng isang garahe nang bigla umanong sumulpot ang gunman at saka walang habas itong pinaputukan ng baril.
Matapos isagawa ang krimen, mabilis na tumakas ang salarin patungo sa direksyon ng Dagupan St. sa Tondo.
Agad namang isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima, subalit idineklara itong “dead on arrival”.
Malaki ang hinala ng pulisya na may kaugnayan sa droga ang krimen habang patuloy na iniimbestigahan kung may iba pang motibo ng pamamaril. Jon-jon Reyes at C.J Aliño