Allan

Lakas ng ekonomiya ng Taiwan

April 1, 2024 Allan L. Encarnacion 92 views

NAKABALIK din ako sa Taipei matapos ang ilang taon.

Pangatlong beses ko na itong pagpunta sa Taiwan. Puwede kong sabihin na iyong mga pagitan ng hindi ko pagpunta, malaki pang lalo ang ipinagbago ng Taipei.

Hindi ko alam kung paanong ginagawa ng Taiwan leadership na paunlarin ang kanilang bansa. Sila ang 17th largest exporter and importer ng iba’t ibang produkto sa buong mundo.

Sa kabila ng One China Policy, nagawa ng Taiwan na maging economic power. Isa ang Taiwan sa pinakamalakas na teritoryong inaasahan ng mundo sa communication and technology industry.

Malaking papel ang kanilang ginagampan sa pag-unlad ng industriyang ito worldwide.

Ayon sa International Monetary Fund, ang per capita income ng Taiwan ay nasa US$32,756 noong 2022. Ang ating bansa nasa US$10, 730. Mas mataas pa sa atin ang Vietnam na nasa US$12,810.

Ang Singapore na kapitbahay natin at kasinlaki lang halos ng National Capital Region ay nasa US$127,565. Ang per capita income ay sukatan ng mga kinikita ng isang tao na nagiging batayan din ng galaw, taas at baba ng ekonomiya ng isang bansa.

Palibhasa’y kahit saan ako magpunta ay palagi kong tinitiyak na makapag-jogging para hindi lang puro kain ang ginagawa sa abroad, nakita ko ang malaking development ng Taipei. Nakakainggit ang Taipe kasi kahit saang sulok ka tumingin, malinis at maaliwalas. Tinatakbo ko ang paligid ng Taipei 101 mula sa aming hotel at pinapasok ang mga side street para makasigurong isang oras akong makapag-ehersisyo.

Una, katulad din ng Singapore, hindi napuputol ang lapad ng bangketa ng Taipei kaya kahit maglakad o tumakbo ka hanggang gusto mo, wala kang panganib na makakadaan sa kalsada o mahahagip ng trak!

Inikot ko rin ang paligid ng Taipei City Hall, wala akong nakitang mga cigarette vendors, mga kwek-kwek vendors at walang mga sasakyang illegally parked sa vicinity. Sobrang linis at aliwalas ng paligid!!! Paano kaya nagagawa iyon ni Taipei City Mayor Chiang Wang-an?

At kahit saang parte ka tumingin sa Taipei, maraming magagandang halaman at puno kaya green ang paligid mo sa iyong pagtakbo.

Hindi pangkaraniwan ang sipa ng ekonomiya ng Taiwan, kung ikukumpara sa sipa ng kabayo, dalawang tadyak patalikod ang bigwas ng kanilang kaunlaran. Mula sa pagiging third world sa nakaraang isa’t kalahating dekada, first world na ngayon ang Taiwan.

Sa nakaraang pandemya, habang ang ekonomiya ng maraming bansa ay sumadsad, ang Taiwan naman ay nakapagtala ng positive economic growth dahil nga siguro sa galing ng kanilang medisina, import at export industry. Kahit may One China Policy, meaning, tanging ang China lang ang kinikilala dapat, ang Taiwan ay marunong tumulay, magaling makipagkaibigan kaya parang siya iyong “Mr. Congeniality” na tinatanggap ng lahat ng bansa sa buong mundo.

Kaya nga ang Pilipinas ay walang embassy sa Taiwan, dahil mismo sa One China Policy. Mayroon lang tayong economic affairs office sa Taipei dahil bawal nga ang embahada batay sa One China Policy.

Baka nga kaya mabilis umunlad ang Taiwan dahil marunong mahiya ang mga pulitiko sa kanila. Katunayan, kailan lang, iyong Defense minister nila ay nagre-resign dahil sa pagkakasangkot ng kanyang anak sa sex scandal na wala naman siyang kinalaman at wala ring kinalaman sa kanyang competence.

Malayong-malayo sa mga pulitiko dito na iyong mga anak na sangkot sa eskandalo at krimen, lalo pang bine-baby!

[email protected]