Phivolcs

LAHAR POSIBLENG RUMAGASA

July 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 174 views

Mula bunganga ng Mayon Volcano

POSIBLENG rumagasa ang lahar mula sa bunganga ng Mayon Volcano bunga ng ulan na dulot ng Tropical Depression Egay.

Ito ang inihayag nitong Biyernes ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Kaugnay nito, pinag-iingat ng ahensya ang mga residente sa panganib na dulot ng lahar.

Batay sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa, direktang tatamaan ng pananalasa ng Tropical Depression Egay ang Samar at Bicol.

“Due to this development, communities in pre-determined areas with lahar hazards from Mayon Volcano are strongly recommended to be vigilant and ready,” pahayag ng Phivolcs.

Paliwanag ng Phivolcs, posibleng daanan ng lahar ang lahat ng river channels na konektado sa Mayon, kabilang dito ang Mi-isi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag at Busud.

Payo ng Phivolcs sa mga residente, maging alerto at agad na lumikas sa mataas na lugar sa sandaling bumuhos ang malakas na ulan.

Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang paligid ng bulkan at patuloy pa ring tumataas ang level ng pag-aalburoto nito.