Rifle

Rifle grenade pinaglaruan, sumabog; 2 bagets tigok

July 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 317 views

DALAWANG teenager ang nasawi habang isa ang nasugatan makaraang sumabog ang rifle grenade na nilalaro ng mga ito nitong Huwebes sa Sitio Tawid, Barangay Tinago, Inopacan, Leyte.

Kinilala ni Inopacan Police chief, Police Captain Daisy Hallasco, ang mga nasawi na sina Robert Degorio, 16, at Alfred Alva, 18.

Isinugod naman sa pagamutan ang kasamahan ng mga ito na si Gleen Miguel Accion, 19.

Ayon kay Hallasco, isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa bahay ng biktimang si Degorio at nang puntahan nila ito ay nakita nila ang mga biktima na duguan.

Isinugod ang mga ito sa Baybay City Immaculate Conception Hospital subalit hindi na umabot ng buhay ang dalawa.

Sa inisyal na ulat, inimbita umano ni Degorio ang kaibigan sa kanilang bahay upang ipakita ang rifle grenade na inilalagay nito sa improvised gun na may PVC pipe.

Gayunman, hindi nagkasya ang rifle grenade sa PVC pipe barrel kung kaya’t pinukpok nila ito ng bato dahilan upang sumabog ito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.