Default Thumbnail

Lacuna dadalo sa C40 World Mayors Summit

October 6, 2022 Edd Reyes 221 views

NAKATAKDANG dumalo si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa gaganaping tatlong araw na C40 World Mayors Summit sa bansang Argentina sa darating na Oktuber 19 hanggang 21, 2022.

Inihayag ni Mayor Lacuna ang pagnanais niyang dumalo sa tatlong araw na summit na dadaluhan ng mga alkalde ng iba’t-ibang lungsod sa bawat panig na daigdig upang talakayin ang pagbabago ng klima o panahon, nang bumisita sa kanyang tanggapan si Argentinian Ambassador to the Philippines Ricardo Luis Bocalandro bilang pagpamalas ng kagandahang-loob nito lang araw ng Miyerkules.

Ang C40 World Mayors Summit na ginaganap tuwing tatlong taon batay sa kanilang website ay naglalayong tipunin ang mga alkalde ng mga siyudad sa iba’t-ibang rehiyon, kasama ang mga negosyante, pilantropo, lider ng kabataan, mga mangangampanya, siyentipiko at mga mamamayan upang ibahagi ang kanilang kaalaman at magbigay ng solusyon sa iba’t-ibang suliranin sa mundo upang makalikha ng matatag, maunlad at pantay-pantay na kinabukasan.

Gaganapin ngayong taon sa Argentina ang pagpupulong dahil bilang aktibong miyembro ng C40 mula pa noong 2006 ang Buenos Aires, miyembro rin ang naturang lungsod ng C40 Steering Committee na kumakatawan sa Latin America at nakatuon ang kanilang layunin na maging carbon emission sa taong 2030 at maging carbon neutral sa 2050, ayon pa sa kanilang website.

Sa ginanap namang pagbisita ni Ambassador Bocalandro, binanggit niya sa alkalde ang mga magagandang lugar na kanyang puwedeng bisitahin sa pagtungo niya sa Buenos Aires.

Tinalakay din ng dalawa ang planong isagawa ang kasunduan bilang sister city ang Manila at Buenos Aires sa nalalapit na panahon.

Ngayong taon, tanging ang Lungsod ng Maynila at Lungsod ng Quezon sa lahat ng mga siyudad sa Pilipinas ang inimbitahan ng C40 World Mayors Summit na dumalo sa gagawing pagpupulong.

AUTHOR PROFILE