Kyusi pulis patay matapos mabaril sa BOC

May 21, 2022 Jonjon Reyes 536 views

ISANG miyembro ng District Headquarters Support Unit ng Quezon City Police District (QCPD) ang namatay sa tama ng bala mula sa isang kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Gate 3 South Harbor Bgy. 651 Port Area, Maynila, nakaraang Sabado ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si P/EMS Celedonio Cauceran Jr., residente ng Saint Vincent St. Bgy. Holy Spirit, Quezon City.

Kusang loob namang sumuko sa Manila Police District (MPD)-Station 13 ang suspek na nakilalang si Elizer Mangili, 36, binata, Intel Officer 1 CIIS, ng BOC sa naturang lugar.

Base sa ulat na isinumiti ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section, bandang 9:40 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa loob ng Customs Intelligence and Investigation Services Office, sa Bureau of Customs (BOC), Gate 3, South Harbor, Port Area sa Maynila.

Ayon sa imbestigasyon, nagsasagawa umano ng interview sina Mangili at kasamahang nitong si Jovan Lugtu kay Cauceran nang magpaalam na pupunta lamang ito sa comfort room.

Sa hindi pa malamang kadahilanan, biglang bumunot diumano ng baril ang biktima, pero dahil daw sa mas mabilis pag-aksyon ng suspek na si Mangili, nabaril nito ang biktima.

Dali-dali nilang pinagtulungang dalhin sa nasabing pagamutan si Cauceran, ngunit binawian din ng buhay.

Rumesponde naman ang mga tauhan ni Lt. Aguila at ang mga operatiba ng SOCO (Scene of the Crime Operation) at nakarekober sa crime scene ang isang Cal. 45 1911 Remington, isang Cal. 45 na kargado ng bala sa magazine, isang 9mm na caliber pistol, magazine at apat na bala. Ni Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE