Marlon

KUMUSTA NA ANG MGA OFW SA TAIWAN

April 8, 2024 Marlon Purification 63 views

NIYANIG ng magnitude 7.4 ang bansang Taiwabn noong nakalipas na Huwebes kung saan mahigit 10 katao na ang iniulat na namatay at halos daang bilang ang sinasabing nasugatan.

Kung tama ang impormasyon na nakarating sa inyong lingkod, mahigit 150,000 Overseas Filipino Workers (OFW) ang naninirahan at nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Dahil mag-iisang linggo na ang nakalipas, wala pa tayong nababalitaang Pinoy sa Taiwan ang naiulat na namatay at nasaktan — mabuti naman kung ganun!

Magkagayunpan, isang kongresista pa rin ang nanawagan sa pamunuan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na agarang alamin ang kalagayan ng mga OFWs sa Taiwan.

“Nanawagan tayo sa ating pamahalaan, lalo sa pamunuan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), na agarang alamin ang kalagayan ng ating mga kababayan, siguruhing mayroong temporary shelter at basic needs ang mga kababayang lubos na naapektuhan ng lindol, at magkaroon ng masusing koordinasyon sa Taiwan authorities para sa relief, rescue, at evacuation operations,” sabi ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino.

Ayon sa kongresista, labis na nababahala ito sa kalagayan ng mga overseas Filipinos (OFs) at OFWs na naapektuhan ng magnitude 7.5 na lindol sa Taipei, Taiwan ngayong umaga.

Sinabi ni Magsino na handa ang OFW party list na magbigay ng tulong sa mga maaapektuhang Filipino sa Taiwan, maging sa mga kapamilya ng mga ito sa bansa na nababalot ng pagkabahala.

“Patuloy rin kaming mananalangin na ang bawat Pilipino sa Taiwan ay ligtas at nasa maayos na kalagayan ngayon,” sabi ni Magsino.

Kasunod ng paglindol sa Taiwan, naglabas ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para sa apat na lugar sa hilagang Luzon, tulad ng Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte, at Isabela, na sa huli ay agad na binawi.

“Kaya’t hinihikayat namin ang lahat ng mga residente sa mga lugar na posibleng maapektuhan na sumunod sa mga direktiba ng lokal na pamahalaan at lumikas nang maaga,” abiso pa ni Magsino.

Bunga ng naturang trahedya, dapat ay paigtingin pa ng pamahalaan ang ginagawang prepyon sakaling magkaroon ng tinatawag na Big 1 sa Pilipinas.

Dapat ay mabilis ding magkaroon ng aksiyon ang gobyerno patungkol naman sa mga kababayang OFWs ns maaapektuhan sakaling magkaroon naman ng ganito kalakas na lindol sa bansang kanilang tinutuluyan o pinagtatrabahuan.