Komersyalisasyon ng Rizal watershed

September 27, 2021 Joey C. Papa 45 views

JoeyNitong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng pagkilos ang Department of Environment and Natural Resources Region 4-A sa
pangunguna ni Regional Executive Director Nilo Tamoria.

Tinukoy ng tanggapan ni Tamoria at DENR Enforcement Group ang mga protected area sa Antipolo o bahagi ng Upper Marikina Watershed na tinayuan ng mga istuktura. Mga bahay at resort ang talamak na lumaganap sa Antipolo warteshed. Nag-isyu ang DENR ng Notice of Violation (NOV), at Cease and Desist Order (CDO) at ang susunod marahil ay ang Eviction Notice. Mangyayari kaya ito?

Matagal nang alam ito ng mga awtoridad. Matagal nang may mga resort at pabrika sa Antipolo watershed. Huli na kaya ang pagkilos na ito ng DENR?

Sa mapping ‘umano na ginawa ng tanggapan ng Reg-4A, puno na ang Upper Marikina Watershed. Tinayuan na ng kung ano-anong istruktura ang dating munisipyo.

Alam naman ng lokal na pamahalaan ang nangyaring ito at nangyayari pa. Wala namang maitatayong anumang istruktura sa anumang lugar nang walang pahintulot ng mga awtoridad.

Natalakay ko rin ay RED Tamoria ang patruloy na komersyalisyon ng Tanay Rizal na isang protected mountain area. Isang buwang mahigit na ang nakaraan nang mapadaan ako sa Tanay at nagulat ako sa maraming istrukturang komersyal sa lugar.

Noon ay may iilan lang na mga resort ang nakatatag dito ngunit ngayon ay tila mga kabuteng nagsulputan ang ganitong komersyal na mga isktruktura. Wala bang magagawa si Tamoria at DENR?

Nangyari na ang komersyalisasyon ng Antipolo. Laganap na ang mga komersyal at residensyal na istruktura. Hindi ito napigil noon pa man.

Ganito rin ba ang mangyayari sa Tanay?

Nangyari na ang komersyalisasyon sa maraming lugar. Sino pa ba ang nagpapahintulot sa ganitong pangyayari kundi ang pambansa at lokal na pamahalaan?

Kailangan ng ligal na pagkilos pagkaraan ng issuance ng NOV at CDO. Kailangan ng mga abogado kung kailangan ng paalisin ang mga illegal occupants. Ito ang nabanggit sa akin ni RED Tamoria.

Ngunit sa tingin ko ay higit pa sa mga issuances ng order na ibinigay sa mga illegal occupants ay ang determinasyon na ipatupad ang mga batas pangkalikasan ng mga opisyal ng DENR kung lumabag nga ang tinukoy nila sila sa mga batas ng lokal at pambansang pamahalaan.

Katulad nang nangyayari sa Tanay Rizal ngayon, hindi puwedeng magtalakayan lang kami ni RED Tamoria sa kalagayan ng Upper Marikina Watershed habang nagaganap naman ang mabilisang pagpapalit ng anyo ng protected mountain area na ito na mabilis nang nilalamon ng komersyalisasyon.

AUTHOR PROFILE