New Era

Klase sa New Era sinuspinde matapos ang bomb threat

January 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 423 views

SINUSUSPINDE ang klase sa New Era Elementary School sa Quezon City matapos na makatanggap ng bomb threat, Lunes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-5:30 ng madaling araw (January 23) nang makatanggap ang isang guro ng bomb threat kaya’t agad itong ipinagbigay-alam sa pamunuan ng paaralan at mga awtoridad.

Agad namang nagpasya ang pamunuan ng paaralan na suspindihin na muna ang klase sa paaralan, para na rin matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, mga guro at mga empleyado nito.

Maging ang mga estudyante sa high school department ay pinauwi na rin muna habang nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan ng QCPD sa campus.

Laking pasalamat naman ni QCPD director PBGen. Nicolas Torres III na walang bombang nakita ang kanilang mga tauhan matapos ang inspeksiyon.

Nabatid na aabot sa 6,000 estudyante ang naapektuhan ng naturang pananakot.