Robi

KathNiel, Hidilyn at BF, Yorme at Mayor Vico, bet ikulong sa Bahay ni Kuya

August 30, 2021 Ian F. Fariñas 491 views

LaurendKUNG ang Pinoy Big Brother hosts/anchors na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzales at Robi Domingo ang tatanungin, bet nilang “makulong” sa Bahay ni Kuya ang mga sikat na personalidad gaya nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Yorme Isko Moreno at Pasig Mayor Vico Sotto at ang magdyowang Hidilyn Diaz at Julius Naranjo.

Sinabi ito ng tatlo sa virtual mediacon kahapon para sa opisyal na pagbubukas ng auditions para sa mga susunod na housemates sa Pinoy Big Brother Kumunity Season 10.

Para sa Star Magic head at direktor na si Lauren Dyogi, wala sa objectives ng reality show ang makapag-produce ng mga sikat na personalidad gaya nina Kim Chiu, Sam Milby, Toni, Bianca, Robi, atbp.

Nagkakataon lang daw ito at feeling ng produksyon ay blessed ang PBB para makapag-produce nga ng magagaling na talent na iniidolo ng marami.

Dagdag pa ni Direk Lauren, meron din namang mga nag-graduate sa Bahay ni Kuya na hindi nagtuloy sa pag-aartista.

Meron daw mga sumabak sa ibang propesyon gaya ng pagiging doktor, atbp.

Sinagot din ni Direk Lauren ang isyu ng mistulang pagsasara ng Bahay ni Kuya na tumawag sa atensyon ng netizens sa socmed.

Tinakpan kasi ang bahay ng blue na construction cover na may mensaheng “a new community will rise soon.”

Nabulabog ang netizens sa mga kumalat na litrato ng Bahay ni Kuya at marami ang nagtaka kung tuluyan na nga bang mamamaalam ang PBB.

Inamin ni Direk Lauren na isa ’yung gimmick para manumbalik ang interes ng publiko sa Pinoy Big Brother.

Sa dami raw kasi ng nangyayari sa paligid ngayong pandemya, isa sa mga naging main concern ng produksyon ay kung paano maibabalik ang interes ng audience sa naturang reality show.

Naging effective naman daw ang nasabing “gimmick” lalo pa nang sundan ito ng pagpapaskil ng numerong “10” sa tabi ng gate ng Bahay ni Kuya at sunud-sunod na nag-post tungkol dito sa kanya-kanyang socmed accounts ang ilang sikat na former housemates gaya nina Kim, Gerald Anderson, Lou Yanong, Maris Racal, Maymay Entrata, Ryan Bang, Sam at Seth Fedelin.

Anyway, tulad sa PBB Connect, sa Pinoy community platform na Kumu gaganapin ang auditions para sa Pinoy Big Brother Kumunity simula September 1 para sa adult edition at December 1 naman para sa teen edition.

Matatandaang mainit ang pagtanggap ng mga Pilipino sa nakaraang season kung saan 177,524 ang nag-audition para maging housemate ni Kuya.

Bago ang pagbubukas ng auditions, nagkaroon din ng reunion sa Kumu ang former housemates mula sa iba-ibang edisyon ng PBB na unang napanood sa ABS-CBN noong 2005.

Pinangunahan ni Bianca ang PBB Kumunity Season 10 Kumu Party na ini-stream sa Kumu.

AUTHOR PROFILE