Default Thumbnail

Kalinisan at kaayusan pwedeng sentro ng programa ng gobyerno

April 12, 2023 Allan L. Encarnacion 208 views

Allan EncarnacionINGGITERO talaga ako sa mga nakikita ko sa iba’t ibang lugar na aking napupuntahan.

Iyong tipong gusto mo pag-uwi sa inyo, gawin mo rin kung kaya din lang naman!

Hindi ko alam paano nila ginagawa sa ibang bansa na iconic ang mga structures at sobrang episyente ng maintenance.

Iyong bridge na nag-uugnay sa Hong Kong-Zhuhai- Macau ang pinakahuli kong nadaanan. Papunta kami sa Macau pero limitado pa pala ang direct flight kaya nag-via Hong Kong kami.

Karaniwan ang ferry ride sa pagtawid sa Macau magmula sa Hong Kong. Mga isang oras din ng sailing bago ka makarating. Maganda rin ang ferry ride at airconditioned naman. Pero iregular rin ang sailing schedules mula sa Hong Kong airport kaya nag-by land kami patawid sa Macau.

Iyon ngang 55-kilometers na bridge ang aming dinaanan. 45 minutes or less pa nasa Macau ka na. Sobrang ganda ng pagkakagawa at may 6 kilometers under water tunnel na dadaanang parte. Ang hindi ko lang gusto doon ay iyong pagdating sa border ng Macau, kailangan mo pang bumaba ng sasakyan at maglakad paakyat sa pagkataas-taas na escalators para pumila sa immigration tapos baba ka ulit sa other side para bumalik sa iyong sasakyan na ganoon din ang layo. Hindi ito konbinyente sa mga seniors.

Pero iyong buong travel experience, okey naman.

Ang isang kapansin-pansin sa mga tunnel at mga tulay sa Hong Kong at Macau, maliwanag at sobrang linis. May mga fire extinguishers sa halos kada isa o dalawang daang metro para sa emergency ng mga masusunog na sa sasakyan.

Dahil siguro sa higpit ng batas nila sa vandalism kaya ganoon kalinis. Naikumpara ko tuloy sa tunnel natin sa Edsa-Ayala, sa Katipunan-Eastwood at sa iba pang tunnel na nadaanan natin sa Edsa hanggang sa patawid ng Mandaluyong-Pioneer. Hanggang ngayon, sobrang dilim ng mga tunnels natin at sobrang dungis. Kadiri ika nga!

Bagama’t wala naman tayong masasabi sa effort ng DPWH natin na malaki na ang nagawa para sa ating bansa, mukhang ang kailangan katukin dito ay ang local government at ang MMDA para magkaroon ng totohanang maintenance at totoong arestuhin ang mga bumababoy sa ating mga tunnels at mga tulay.

Kailan kayo tayo makakapagpakulong ng mga kabataang sumisira at bumababoy sa ating mga isktraktura?

Kunsabagay, hindi naman nag-iisa ang Metro Manila sa dumi ng mga tunnels at mga under passes. Kapag galing ka rin sa Kennedy Airport or La Guardia airport sa New York, magugulat ka rin sa dumi ng kanilang mga tunnels at underpasses papasok sa New York City. Marami ring gago doon na parang mga gagong Pinoy na walang magawa sa buhay kung hindi pinturahan ng kung anu-anong kababuyan ang mga public structures.

Nanawagan tayo kay First Lady Lisa na maging sentro ng kanyang programa ang kalinisan at kaayusan ng buong bansa, lalo na sa Metro Manila. Alam nating kaya itong gawin ni LAM para magkaroon ng totoong legacy ang administrasyon ni Pangulong BBM.

Sa isang kumpas lang ni LAM, gaganda at lilinis ang ating bansa. Kung puwede rin sana, magkaroon ng worst barangay sa kampanya para magsikilos naman ang ating mga lider sa ibaba.

Sa totoo lang, kung ang mga nasa barangay ay marunong lang at may malasakit talaga sa kanilang lugar, hindi magiging baboy ang ating paligid.

Sige nga Madame LAM, ikaw nga ang magbigay ng dirtiest award sa mga pabayang barangay officials para magsikilos ang mga yan!

[email protected]