Cayetano

Discrimination malulutas pag kinilala ng taumbayan

May 9, 2024 PS Jun M. Sarmiento 59 views

HINDI malulutas ang diskriminasyon sa bansa hangga’t hindi ito kinikilala ng taumbayan, ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano.

“Ang dami-daming nakakaranas ng discrimination, not necessarily just because of one reason, but because they’re different,” sabi ni Cayetano tungkol sa Comprehensive Anti-Discrimination Act.

“I think everyone in the Senate is against any form of discrimination,” dagdag niya.

Sama-samang diringgin ang mga nakahaing panukala ng Senate Committee on Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, Committee on Cultural Communities with Muslim Affairs at ng Committee on Finance.

Layunin ng mga ito na parusahan ang sinumang magdi-discriminate sa edad, lahi, relihiyon, pulitika, kasarian, katayuan sa relasyon at pisikal na itsura.

Naglalayon din itong magbigay ng matibay na proteksyon laban sa lahat ng pagpapakita ng pagtatangi at pagkiling.

Sinabi ni Cayetano na bukod sa pagkilala sa pagkakaroon ng diskriminasyon, kailangan din ng mahusay na diskarte sa komunikasyon upang labanan ito sa lahat ng larangan.

“Wala kasi tayong general law on anti-discrimination unlike kapag violence against women and children or any kind of abuse, may general law. In this case kasi per situation,” sabi ng senador.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Cayetano tungkol sa diskriminasyon sa Senado. Sa mga pagdinig para sa 2024 national budget, nanawagan siya para sa komprehensibong talakayan nito sa antas ng komite.