Default Thumbnail

Mga dating manininda sa Baclaran, nalugi sa pagpasok ng mga dayuhan

April 12, 2023 Edd Reyes 243 views

Edd ReyesLUGMOK na pala ang negosyo ng mga kapatid nating Muslim sa area ng Baclaran na sakop ng mga lungsod ng Pasay at Paranaque kaya’t halos wala na ang karamihan sa kanila sa mga puwestong dati nilang inookupahan.

Dati kasing kontrolado at maunlad ang negosyong pagtitinda ng mga kapatid nating Muslim sa mga lugar tulad ng New Baclaran Galleria, sa Two Shopping Center, sa JB Building, Logistic at Sunjoy Building, at Parka Compound na dinadayo talaga ng mga mamamakyaw.

Pero mula pala nang magsimulang magtayo ng kanilang negosyo ang mga dayuhang Chinese sa area ng Baclaran, unti-unti ng nabawasan ang mga suki ng mga kapatid nating Muslim dahil mas mura ang panindang ibinebenta ng mga dayuhan kumpara sa kahalintulad ding produktong kasuotan na kanilang ibinebenta.

Hanggang sa tuluyan ng magpasiya ang mga datihang manininda, na karamihan ay mga kapatid nating Muslim na magsara at tumigil na sa kanilang negosyo dahil nakuha na ng mga dayuhan ang kanilang mga suki.

Eh bakit nga ba nagawang makapagbukas ng legal na negosyo sa area ng Baclaran ang mga dayuhan na halos hindi raw makapagsalita at makaintindi ng wikang Tagalog? Simple lang daw ayon sa mga dating manininda sa lugar, at ito’y dahil gumagamit sila ng dummy para iparehistro sa “One-Stop-Shop” ng lungsod na nakakasakop sa kanilang puwesto.

Sa tulong daw ng kanilang mga “kontak”, madaling naipo-proseso ang dokumento ng mga dayuhan kaya’t nagiging legal ang kanilang negosyo kahit hindi nagbabayad ng tamang buwis sa pambansang pamahalaan.

Ang nakapagtataka, sabi ng isang lehitimong manininda sa lugar, ilang beses na raw ni-raid ng composite team ng Bureau of Immigration (BI), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), kasama siyempre ang Law Enforcement Agency, pero hanggang doon lang at matapos nito’y tuloy na muli ang kanilang negosyo.

Kung tutuusin nga, lantad na lantad naman na may paglabag sa batas ang negosyo ng mga dayuhan, lalu na ang mga paninda nilang imported na kasuotan mula China, bukod pa siyempre sa kuwestionable ang matagal nilang pananatili sa bansa, pero dahil may pinanghahawakang business permit, nagiging legal sa tingin ang kanilang negosyo.

Nakakalungkot lang dahil kahit maganda ang intensiyon ng Anti-Red-Tape Authority (ARTA) na nag-aatas sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na lumikha ng electronic business one-stop-shop o eBOSS bilang panuntunan ng pamahalaan sa mabilis na pagpo-proseso ng mga dokumento ng mga nagnenegosyo, nagagamit naman ito ng ilang tiwali sa lokal na pamahalaan upang makipagsabuwatan sa pagkakaloob ng business permit sa hindi naman lehitimong dayuhang negosyante.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga maliliit na negosyante sa Baclaran na makakabangon silang muli sa pagkakalugmok sa oras na magkaroon ng seryosong pagsusuri ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kapangyarihang sumuri sa mga dokumento at paninda ng mga dayuhan.

Cryptocurrency scam, nasa isang gusali sa Pasay?

MAY isang gusali raw sa Willam Street sa pagitan ng service road ng Roxas Boulevard at F.B Harrison St. sa Pasay City na hindi basta-basta mapapasok ng kapulisan o maging ng National Bureau of Investigation (NBI) kahit batid nilang may ilegal na uri ng aktibidad tulad ng cryptocurrency scam na pawang mga dayuhang Chinese ang nire-recruit na manggagawa.

Ikinukulong at hindi pala pinapayagang makalabas ang mga mangggawa pero dahil kumpleto naman ang kanilang sahod, karamihan ay nagpapasiyang manatili na lamang sa loob pero may ilan na gusto ng lumabas pero hindi raw pinapayagan at kapag nagsumbong sa kaanak ay ginugulpi o inililipat sa ibang sangay ng kanilang ilegal na negosyo para hindi mahanap ng kaanak.

Sa oras na makarating ito sa kaalaman ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, tiyak na aatasan niya ang Bureau of Permits at Engineering Office na magsagawa ng visitation sa gusali para alamin ang legalidad ng kanilang pagnenegosyo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE