Default Thumbnail

Comm. Rubio, kabisado na ang “ins and outs” sa BOC

April 12, 2023 Vic Reyes 355 views

Vic ReyesBUKAS na bukas na ang ating ekonomiya kagaya ng nakikita natin sa masiglang sektor ng turismo.

Hindi lang ‘yan. Nandiyan din ang umaarangkadang import business na dahilan ng paglobo ng nakokolektang buwis, taripa at iba pang charges ng Bureau of Customs (BOC).

Inaasahan ngang hindi lang maaabot ng BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Bievenido Y. Rubio, kundi mahihigitan pa ang kanilang collection target sa taong ito.

Sa taong ito ay inatasan ng gobyerno ang BOC, ang pangalawang pinakamalaking revenue generating agency ng bansa, na kumolekta ng P921 bilyong revenues.

Sa first quarter pa lang ng 2023 ay nakakolekta na ng mga taga-BOC ng mahigit na P213 bilyon.

Ang kailangan na lang ay makakolekta ng P708 bilyong revenues sa nalalabing siyam na buwan ng taon para maabot ang mataas na 2023 revenue target.

Kayang-kayang abutin ang target dahil noong nakaraang Marso ay umabot ng P80.133 bilyon ang koleksyon ng ahensya. Ito na ang pinakamalaking monthly revenue collection ng BOC.

Dahil isang insider si Commissioner Rubio, hindi na niya kinailangang pag-aralan pa ang “ins and outs” sa aduana nang italaga siya ni Pangulong Marcos bilang hepe ng BOC.

Kaya “kayod marino” kaagad si Rubio, na isang anak ng Batac, Ilocos Norte, sa unang araw pa lang ng kanyang panunungkulan bilang hepe ng “snake-infested waterfront.”

Tama ba kami, Finance Secretary Benjamin Diokno?

***

Kagaya ng sinasabi ng marami nating kababayan, kailangang bantayan ang galaw ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga tinatawag na essential commodities.

Hindi natin puwedeng pabayaang mamayagpag ang mga hoarders at profiteers na walang ginawa kundi pahirapan ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap.

Hindi masama ang kumita. Dapat lang kumita naman ang mga nagtitinda at iba pang negosyante.

Kailangan din naman na tayo’y sumunod sa ating mga batas sa pagnenegosyo.

Huwag na tayong magtago ng mga produkto para palabasin na may kakulangan ng supply sa bansa para lang may katwiran ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Mandato ng mga concerned government authorities na habulin ang mga economic saboteur na ito.

Dapat bigyan sila ng leksyon para huwag silang gayahin ng iba.

Ang mga hoarders, profiteers at ang iba pang mapagsamantalang negosyante ay walang puwang sa isang democratic society, kagaya ng Pilipinas.

Ang mga protektor ng mga economic saboteur ay dapat ding makasuhan at mabulok sa kulungan.

Lalo na ang mga lingkod-bayan na nagbibingi-bingihan at nagbulag-bulagan sa mga nangyayaring kalokohan sa lipunan.

Kailangan din kayong mawala sa gobyerno.

***

Isa sa priority programs ng gobyerno nasyonal ay “food security” sa bansa.

Para bumalik sa bukid ang maraming magsasaka na naghanap na ng ibang trabaho dahil kakarampot naman ang kinikita nila sa pagsasaka.

Marapat lang na sila’y tulungan.

Huwag nating kalimutan na sila ang “major players” para magkaroon tayo ng “food security.”

Dapat bumaba ang presyo ng abono, pestisido, gasolina, krudo at iba pang gamit sa pagsasaka.

Sa totoo lang, napipilitang umutang sa mga userero ang mga magsasaka para lang may pambili ng farm inputs.

Kung hindi naman sila gagamit ng abono at pestisidio ay baka wala silang anihin.

Nagpapasalamat nga sila kay Pangulong Marcos dahil alam nilang gumagawa ito ng paraan para ma-address ang kanilang mga problema.

Pero talagang marami lang mabibigat na problema sa sektor ng agrikultura.

Kailangan ng malaking pondo para matulungan ang mga naghihirap na magsasaka at mangingisda sa bansa.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/Email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE