Marlon

Kalingang Barbero: Gupit ko, tulong ko!

March 21, 2024 Marlon Purification 100 views

NAKAHAHANGA ang isang samahan ng mga barbero.

Ang tawag nila rito ay Kalingang Barbero na nabuo sa pamamagitan ng social media, partikular na sa Barbershop Community PH Facebook group.

Ang kanilang ginagawa ay darayo sa mga liblib na lugar saka magbibigay ng libreng gupit, magkakaroon ng feeding program, mamimigay ng grocery packages, school supplies at iba pang ayuda na ipinagkakaloob ng bawat isa sa kanila alinsunod sa kanilang kakayahan.

Alam nating hindi ganun kalaki ang kita ng mga barbero.

Ngunit sa kakarampot na kita ay nakukuha pa nilang maglunsad ng ganitong uri ng proyekto!

Itinatag ang Kalingang Barbero noong November 12, 2017 sa pamumuno nina Emerson Bautista at Ronnie Burac.

Nasa 150 barbero na ang kanilang miyembro hindi lamang mula sa Metro Manila kundi sa mga kalapit pang probinsiya.

Para sa kanila, ang paglulunsad ng ‘community service’ ay paraan na rin ng pagpapasalamat sa lahat. Bagaman payak lamang ang kanilang trabaho, marangal ito at tunay na nakatutulong sa ating kapwa.

Ang pagdayo nila sa iba’t ibang lugar ay tinawag nilang “Gupit Ko, Tulong Ko!”

Ang una nilang proyekto ay sa Bahay Pag-asa Rehabilitation Center’ Nasundan ito sa Luneta Park at sa Hospicio De San Jose.

Sa Sitio Pidpid sa Porac, Pampanga ay dumayo rin ang Kalingang Barbero at naglunsad din sila ng proyekto. Gayundin sa Bahay Kalinga sa Tayuman, Manila. Sa Alban Elementery School kung saan pati mga mag-aaral na may special na pangangailangan ay nakilang nagupitan.

Dinayo rin nila ang Dumagat Community sa Norzagaray, Bulacan kung saan nakasama nila rito ang Maranath.

Kahit mga evacuees sa Taal Volcano sa Lipa City, Batangas ay dumayo sila. Sa Brgy Puray, Rodriguez, Rizal; Happy Land, Tondo. Manila; Sitio Haduan, Angeles, Pampanga; Little Baguio Elem School sa Sta Maria, Laguna at Dumagat tribe sa Magsaysay, Infanta, Quezon.

Ang mga aktibidades na ito ay mapapanood din sa kanilang sariling vlog na ang channel ay Kalingang Barbero rin!

Sabi ng kaibigan nating barbero na si Jojo Mislang ng Muy Guapito Barbershop sa Bangkal, Makati City, marami pa silang pupuntahang liblib na lugar sa mga susunod na araw.

Aniya, nakatataba sa puso ang kanilang ginagawa at nakatutuwang marami silang natutulungan.

Sabi ko naman, sana hindi sila mapagod at manawa sa kanilang ginagawa dahil napakalaking tulong nito para sa mga mahihirap nating kababayan.

Isipin n’yo, libre gupit na, may pakain pa at may kaunting grocery package pa.

Nakabibilib dahil tulad ng sabi ko, tulad din natin sila na hindi ganoon kayaman, ngunit hindi nagdadamot na magbigay ng tulong sa mga salat nating kababayan.

Plano pa ng grupo ng Kalingang Barbero ay makadayo rin sila hindi lamang sa Luzon region, kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao.

Mula sa ‘Uncovered,’ sumasaludo po ang inyong lingkod sa mga kaibigan natin sa Kalingang Barbero!

Sana dumami pa ang lahi n’yo!