Adik

JM, umaming in love… aktor, adik sa nililigawang vlogger

April 12, 2023 Ian F. Fariñas 390 views

PAOS at puyat si JM de Guzman nang humarap sa press para sa mediacon ng pinakabago niyang Viva Films movie na Adik sa ’Yo katambal si Cindy Miranda. Ayon sa aktor, intense kasi ang mga kinunang eksena sa ginagawa niyang teleserye kaya medyo antok at hoarse ang voice niya.

Mahina man, buong-buo naman ang boses ni JM nang biglang aminin sa ilang entertainment writers na in love siya ngayon.

Last year pa siya nali-link sa VAA artist/vlogger na si Donnalyn Bartolome kaya naman panay ang hirit nila rito ng mga clue.

Nang uriratin kung taga-showbiz ba ang sinasabi niyang babae na nililigawan niya nang halos isang taon na, nag-“yes” si JM.

Pero nang may sumundot kung vlogger ba ito? Taga-Viva ba? Pulos ngiti at tawa lang ang isinukli ng aktor na hindi nag-deny.

Secret daw kung sino ito. Pero isa lang ang sigurado niya: Na matiyaga siyang manliligaw dito.

Aminado ang aktor na adik siya ‘pag naiinlab.

Pero dahil marami na ring pinagdaanan pagdating sa lovelife, natututo na rin daw siyang magtira para sa sarili niya.

“Dati wala, eh,” banggit niya. “Ngayon, pinapagana na ‘yung utak.”

So, ano ang meron sa babaing nililigawan niya at naaadik siya rito ngayon?

Sagot ni JM, “Tinuruan niya ako kung pa’no magmahal nang maayos… saka sobrang inspiring siya na tao.”

“Perfect 10” at isang pagkatamis-tamis na ngiti rin ang ibinigay niyang score kay “Mystery Girl.”

Naka-relate nga raw siya sa karakter niyang si Paulo, pati na sa karakter ni Cindy, sa pelikula dahil bukod sa pinagdaanang krisis sa droga, eh, siya ang tipo na naaadik sa pag-ibig.

“Maganda ang script by Mel del Rosario tapos si Nuel Naval pa ang direktor. Gusto ko ring makatrabaho si Cindy Miranda. Nagkaroon din ako ng konting hesitation na parang babalikan ko na naman ba ‘tong past na ‘to? Pero naisip ko na lang, okay lang, okay lang kung balikan ko, tapos naman na talaga, eh.

“May mga trigger… ‘yung dinadala sa paddle room, mga psyche war, rehab. Lahat ‘yun napagdaanan ko. So, habang binabasa ko pa lang ‘yung scriipt naaalala ko lahat ‘yon. May pain. Siyempre, painful ‘yung experience na ‘yon. Pero sobra namang marami akong lessons na natututunan,” mahabang kwento ni JM.

Para ma-overcome ang triggers at maka-cope sa shooting, bumabalik-balik daw si JM sa rehab center na pinasukan niya from time to time para mag-touch base at maiayos ang triggers na sinasabi niya.

At any rate, nakasama rin ni JM sa Adik sa ’Yo ang ex-GF na si Meg Imperial na aniya ay mabuting kaibigan niya kaya naman walang naging ilangan sa set.

Nasa movie rin sina Candy Pangilinan, Nicole Omillo at Andrew Muhlach.

Magsisimula nang mapanood ang Adik sa ’Yo sa mga sinehan nationwide sa April 19.

AUTHOR PROFILE