Default Thumbnail

Janitress nagnakaw ng coat ng mga doctor, nag-ikot sa ER

February 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 278 views

ARESTADO ang 37-anyos na janitress matapos magpanggap na doktora habang suot ang mga ninakaw na puting coat at nag-iikot sa Emergency Room (ER) ng isang ospital sa Quezon City, Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Miriam May Taboco Infante, may live-in-partner, nakatira sa 6B Tiburcio Ext., Brgy. Krus na Ligas, Quezon City.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Jhanella Marie Canoza De Leon, 29, dalaga; Jezza Anne Melecio Jacinto, 29, dalaga, at Allyson Sel –Ayen Walsi I-En, dalaga, pawang mga doktora ng EAMC.

Sa report ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 5:27 a.m. (February 15), nang arestuhin ang suspek sa loob ng Emergency Room ng East Avenue Medical Center (EAMC) na matatagpuan sa East Avenue Brgy. Central, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCMS June Abogado, nasa ospital umano noon ang isang pulis nang mamataan ang suspek na nakasuot ng puting coat na may pangalang Dra. Jacinto at nag-iikot sa ER.

Dahil sa kahina-hinalang kilos ay nagsuspetsa ang pulis na hindi totoong doktor ang suspek kaya nilapitan niya ito at hiningan ng ID.

Doon ay nabuking ng pulis na nagpapanggap ang suspek na si Dra. De Leon gamit ang ID nito habang nag-iikot sa ER kaya agad na inaresto na kinalaunan ay nalaman na janitress sa ospital.

Nakumpiska mula sa janitress ang ID ni De Leon, wallet na naglalaman ng P280, UnionBank ATM Card, MAC book Laptop, medicine bag at mga puting coat ng mga nabanggit na doktora.

Inihahanda na ang kasong tatlong counts ng theft at dalawang counts ng usurpation of authority laban sa janitress.