Default Thumbnail

James Kumar, Man of the Year

May 23, 2023 Marlon Purification 235 views

Marlon PurificationSNAPPY salute’ ang nais nating ipugay sa kaibigang si Manjinder ‘James’ Kumar dahil muli siyang binigyan ng parangal bunsod sa hindi matawarang pagbibigay-tulong sa mga nangangailangan na kababayang Pinoy.

Si Kumar, founding president ng Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI), ay makailang ulit nang ginawaran ng natatanging pagkilala dahil sa walang pagod na pagtulong sa mga mahihirap.

Naging instrumento nito ang FICWSI upang kahit papano’y maingat ang pamumuhay ng ilan nating kababayan mula sa iba’t ibang aspeto ng pagtulong na ibinibahagi ni Kumar.

Ang FICWSI para sa kaalaman ng lahat ay isang prestiyosong samahan ng mga Indian businessmen sa bansa na ang katumbas nito ay ang Filipino Chinese Chamber of Commerce Inc. (PCCCI).

“Kumar is the epitome of motivation to soldier on and triumph above challenges, a true leader of the future whose vision of a better world is realized in his untiring philanthropy,” anang artikulo na inilabas ng The Manila Times.

Ang Man of the Year: Philanthropy Award ay ibinigay kay Kumar ng The Manila Times mula sa prestiyoso nilang Global Excellence Award nitong nakalipas na Huwebes (May 18, 2023).

Ginanap ito sa Manila Hotel at ang tumanggap ng parangal ay ang maganda’t mabait na misis ni James na si Ate Yankie.

Sigurado ako maging ang mga anak ni James na sina Tristan, Zy at Kiran ay proud na proud din sa ginagawa at narating ng kanilang Daddy.

May mga pagkakataon noong pandemic ay kasama ni James ang kanyang misis at mga anak sa pamamahagi ng relief goods at iba pang ayuda.

“The honor is mine to be acclaimed Man of the Year in the Philanthropy category by Manila Times Global Excellence Award. My gratitude extends to my family for their unwavering support, most especially to may beautiful wife who received the award on my behalf. May God bless us all and may we all have the blessings to continue our journey of service to people,” wika sa FB post ni Kumar.

Nang atin siyang makausap, sinabi nitong nakatataba ng puso ang makitang masaya ang mga kababayang kanilang natulungan. Ang matamis na ngiti na ibinibigay sa kanila bilang pasasalamat ay sapat na upang lalo silang ganahan sa pagtulong sa iba pang nangangailangan.

“I believe in collaborations in extending much needed help. It’s our responsibility to bond together to look after one another. Hence, there’s no help too big or small, or too much or little. A help, no matter the size, makes a difference,” ayon kay Kumar.

Makailang ulit na nating naisulat ang kagalingan at kabaitan ni Kumar.

Katunayan, maging ang dalawang beses na pagkilala sa kanya bilang Philanthropist of the Year ng Asia Leaders Awards (ALA) noong taong 2020 at 2021 ay atin naring naisulat.

Tumanggap din siya ng parangal bilang CSR Company of the Year award mula sa ALA.

“These efforts are a noble way of promoting excellence in leadership and inspiring like-minded capable leaders to do more than what they can in extending help to others especially in this time of the pandemic,” wika pa niya.

Idinagdag ni Kumar na ang pagtulong sa kapwa ay nakatatak na sa kanyang isipan mula pa noong pagkabata.

Isinilang sa Jalandhar, Punjab Region sa bansang India, sinabi ni Kumar naransan din niyang maging mahirap lalo’t nakatira sila noon sa maralitang lugar sa India.

Pumapasok umano siya sa eskuwelahan na walang tsinelas. Ang kanilang silid aralan ay walang lamesa at upuan kaya kinailangan mag-aral sa sahig. Pati ang libro ay sira-sira at madalas ay naghihiraman ng gamit pampaaralan.

Naging puhunan iyon upang siya’y magsikap at ipinangako sa sarili na anuman ang marating sa buhay ay tutulong sa kapwa sa abot ng kanyang makakaya.

Kung iisa-isahin natin ang mga ibinigay na tulong ni Kumar, malamang ay kukulangin ang pahina ng artikulong ito.

Ngunit ilan sa nagmarka sa kanya ay ang maagap at walang pa-media na pagsaklolo sa mga biktima ng bagyo, lindol, iba’t ibang sakuna, gayundin ang buong tapang na pagsuong sa gitna ng laban sa kasagsagan ng pandemya.

Ginamit ang kanyang sariling pera, impluwensiya sa mga kaibigan at kapwa negosyante upang makapagpadala agad ng mga kagamitan para sa mga frontliners, lalo na noong nagkakaroon ng shortage sa PPE o personal protective equipment.

Halos naikot ang Pilipinas sa pag-agapay sa mga local government units sa pagbibigay tulong — maliit man ito o malaki.

Nakatatak sa mga alkaldeng nakatuwang nito ang pamamahagi ng ambulansiya, bisikleta sa mga manggagawa, pagsagot sa matrikula ng mga bata sa bahay-ampunan at ang livelihood packages sa bawat barangay.

Ang FICWSI ay may flagship na outreach program na kung tawagin ay FilIndiHelpline na may mantra na “Together for a Cause — Together We Help!”

May apat na partikular silang lifelines: Helpline for the hungry, for the Frontlines, for Online Schooling, and On Wheels kung saan ay tuwing Miyerkules ay namamahagi sila ng wheelchair at bisikleta na malaking tulong lalo na iyong pumapasok sa trabaho.

Dahil sa mga sinserong pagtulong, lalo namang nakakakuha ng ‘good karma’ si Kumar. Ang lahat ng negosyo nito, mula sa restaurant, travel, printing, consultancy at marami pang iba ay patuloy na nagiging matagumpay at tumatanggap ng pagkilala sa buong industriya.