Iya

Iya, game magkaroon ng bagong baby

October 8, 2022 Ian F. Fariñas 263 views

GAME pa rin si Iya Villania na magkaroon ng bagong baby apat na buwan matapos manganak kay Astro, ang ikaapat at bunso nila ng mister na si Drew Arellano.

Ito ang isa sa mga nai-share ni Iya sa recent online mediacon ng Eat Well, Live Well, Stay Well Season 4 cooking show nila ni Chef Jose Sarasola sa GMA Network.

Tipong namnam na namnam nga ni Iya ang pagiging super mom sa mga chikiting nila ni Drew na sina Primo, Leon, Alana at Astro.

Katunayan, ipinasilip pa niya sina Primo at Leon sa mediacon dahil gustong mag-hi sa mga press.

“Work at home pa more!” biro ni Iya sa panggugulo ng mga anak habang nasa presscon.

Anyway, ikinatutuwa ni Iya na at four months, naroroon na naman daw siya sa stage na cute na cute siya sa mga paandar ni Astro.

Kwento niya, nakakangiti at tumatawa na ito ngayon. Minsan naman daw, dumadaldal ito sa madaling araw at tipong nag-i-explore ngayong “he has found his voice.”

Ang unang dalawang taon lang naman daw ng mga bata ang talagang hectic para sa kanila. After that, hindi na sila hirap i-handle ang mga bagets dahil habang nadadagdagan, eh, natututong maging independent.

Hindi rin sila nagdadagdag ng katulong kahit pa lumalaki ang kanilang pamilya. Kaya hands-on talaga sila ni Drew bilang mga magulang.

Sa ngayon, wala pang balak ang mag-asawa na bumiyahe for the holidays.

Dahil sa patuloy na banta ng Covid-19 pandemic, masalimuot umano bumiyahe nang malayuan at magka-jetlag lalo na kung may kasamang toddlers.

Nariyan din ang sangkatutak na papeles at dokumentong kailangang ayusin.

“It’s gonna be tricky travelling with four kids so we’re gonna have to wait a while. Maybe end of next year,” banggit ni Iya.

Ang pamilya na lang daw niya mula Australia ang bibiyahe para mag-spend ng Christmas kasama nila rito.

Samantala, masayang-masaya naman sina Iya at Chef Jose na tumagal hanggang Season 4 ang 15-minute show nilang Eat Well, Live Well, Stay Well.

Sa bagong season, may inihanda silang bago at interesting recipes na hindi lang budget-friendly kundi healthy pa.

Ngayon pa lang, magsi-share rin sila ng Christmas recipes sa viewers na pwedeng lutuin para sa buong pamilya.

“It’s a Christmas dish na medyo sweet pero ginawa naming savory. Basta, surprise! Sobra siyang nakakaaliw! Next week na ‘to, guys,” pag-iimbita pa ng dalawa.

Hatid ng Ajinomoto at GMA-7, ang Eat Well, Live Well, Stay Well Season 4 ay mapanood tuwing Biyernes, 11:05 a.m., simula October 14 sa Kapuso channel.

AUTHOR PROFILE