Suspek Ang suspek

It’s Showtime host muntik gahasain

April 12, 2024 Melnie Ragasa-limena 210 views

Ng lalaking nakasabay sa elevator

TINANGKANG gahasain ang “It’s Showtime” host na si Cianne Dominguez ng lalaki na kaniya umanong nakasabay sa elevator at sumunod sa kaniyang condominium unit sa Quezon City nitong Huwebes.

Nakakulong na sa Kamuning Police Station 10 ang suspek na si Shervey Torno, 25-anyos at isa umanong modelo.

Ayon sa report, nangyari ang insidente pasado alas siyete ng gabi sa isang condominium building sa Barangay South Triangle kung saan nakatira si Dominguez.

Sa salaysay ni Dominguez, na Tricia Anne Florendo ang totoong pangalan, nakasabay umano niya ang suspek sa elevator ng naturang condominium.

Nakapasok na umano si Dominguez sa kaniyang unit nang may marinig siyang kumakatok sa pintuan.

Bahagya umano niyang binuksan ang pintuan at nakita ang suspek sa harap nito.

“Anong Facebook mo ‘te, ang ganda mo kasi,” ang bungad ng suspek sa biktima sabay yakap sa baywang ni Dominguez.

Ayon sa tatay ni Dominguez na si John Florendo sa isang Facebook post ay tinangka pa umanong halikan ni Torno si Dominguez ngunit nagawa niyang manlaban.

“Good thing my daughter is strong enough to resist and the suspect ran,” ayon sa post ni Florendo.

Nagawa naman na kunan ng video ni Dominguez ang papatakas na suspek kung saan nakunan na nadulas pa ang suspek sa hagdanan habang tumatakas.

“Ire-report kita, maniwala ka sa akin ire-report kita. Manyak ka, leche ka,” maririnig na sinisigaw ni Dominguez sa naturang video na viral na ngayon sa social media.

Ayon sa ama ni Dominguez ay na-trauma ang kaniyang anak dahil sa nangyari.

Naaresto ang suspek habang tumatakbo papuntang Edsa ng mga security officer ng nasabing condominium building.

Agad siyang dinala sa pulisya at nahaharap sa reklamong sexual assault.