Willie

Isyu ng pagmamakaawa sa GMA, sinagot ni Willie

March 30, 2022 Vinia Vivar 767 views

Sa kanyang Wowowin Live na napapanood sa Facebook at YouTube ay sinagot ni Willie Revillame ang aniya’y fake news na lumalabas tungkol sa kanya.

Isa na nga rito ay ang lumabas sa isang website na nagpaparamdam daw si Willie sa mga bossing ng GMA-7 para makabalik sa network.

Ayon pa sa balita, nagsisisi ang TV host sa pag-alis sa Kapuso station.

“Mayroon hong lumalabas sa dyaryo kung anu-ano, ako raw ay nagmamakaawang bumalik, hindi po totoo ‘yun. ‘Yun po ay fake news,” pahayag ni Willie.

Sey pa niya, “Hindi ko na papatulan ang mga negative. ’Pag nakakabasa kayo ng fake news, huwag n’yo na hong anuhin ‘yan, pansinin. Naku, mahirap na lang magsalita, pero hindi ako naaapektuhan diyan. Whatever you say, basta ang importante, alam namin kung ano ang totoo. At alam namin, ang programang ito ay gumagawa ng paraan para makatulong sa ating mga kababayan.”

Sinagot din niya ang bansag sa kanyang ‘bilyonaryo.’

Paglilinaw niya, “Hindi ako bilyonaryo. Hindi ho ako businessman na bilyonaryo. Simple lang ho ako, masinop lang ako sa buhay. Kung anuman ang meron ako, naging mabuti lang ako sa aking sarili, para sa aking mga anak. Para ’pag wala na ako sa mundong ito, ‘yung mga anak ko, hindi naman maging kawawa.”

Paalala niya sa mga nagbabalita tungkol sa kanya, “Dapat reliable ang source n’yo. Kasi nape-fake news kayo.”

Sinabi rin niyang hindi siya apektado sa mga pambabatikos sa kanya.

“Isulat n’yo ako nang isulat, kahit ano ang sabihin n’yo sa ‘kin, masama o walanghiya, wala sa akin ‘yun. Basta alam ng Diyos, alam ng ating mga kasama kung ano ang pagkatao ko, kung ano ang totoo,” giit niya.

NATUPAD NA PANGARAP

Bilang isang Filipino-Chinese na aktor, noon pa ay pangarap na ni Ken Chan na maging bahagi ng Mano Po franchise movie.

Sey nga niya, bata pa lang siya ay napapanood na nila ito ng kanyang pamilya at nakaka-relate raw talaga sila, especially sa kultura ng Tsino na ipinapakita.

“Bata pa lang ako noon, napapanood ko na ‘yung Mano Po. Sa bahay namin, pinalaki kami ng tatay ko na traditional Chinese family talaga. Nakaka-relate po kami sa mga napapanood namin sa Mano Po — ‘yung kung paano sila mag-praise sa mga Buddha, kung paano ‘yung sistema ng business nila, kung paano pinapatakbo ng ama ‘yung pamilya niya.

“Nakaka-relate talaga kami doon and talagang pinangarap ko talaga na mapasama. Sino ba naman hindi gusto na mapasama o makagawa ng isang proyekto na Mano Po?” ani Ken sa isang panayam.

Ngayong TV series na ang Mano Po na napapanood sa GMA-7, masaya si Ken nang i-offer sa kanya ang second installment ng serye na Her Big Boss na kasalukuyang napapanood sa GMA Telebabad.

Aniya, finally, natupad na ang kanyang pangarap.

AUTHOR PROFILE