PAGASA

Ineng posibleng maging bagyo

September 5, 2023 Zaida I. Delos Reyes 271 views

NANATILI ang ipinapamalas na lakas ng tropical depression Ineng at patuloy na pinalalakas nito ang southwest monsoon o hanging habagat at posibleng maging ganap na bagyo.

Sa inilabas na bulletin ng PAGASA dakong 11:00 ng tanghali nitong Martes, namataan si Ineng sa 75 kilometro ng silangan ng dulong hilaga ng Luzon.

Dala ni Ineng ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras at pabugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.

Ayon sa PAGASA, mabagal na tinatahak ni Ineng ang direksyon pa-kanluran at hindi direktang makakaapekto sa bansa subalit palalakasin niya ang hanging habagat na pinapalakas parin ng bagyong Hanna.

Ang habagat ang magdadala ng ulan sa western portion ng Luzon sa loob ng tatlong magkakasunod na araw.

Ang pinalakas na habagat ay magdadala din ng pabugso-bugsong ulan sa Batanes, mga probinsya sa Ilocos, western portion ng Pangasinan, Zambales, Bataan, Kalayaan Islands, Lubang Island at Romblon.

Makakaapekto din ang gale warning sa seabords ng Northern Luzon, western seaboard ng central Luzon, western at southern seaboards ng southern Luzon at western seaboard ng visayas.

“Some disruption in civilian maritime activities is expected over these areas (e.g., suspension of sea travel) due to hazardous sea conditions,” pahayag ng PAGASA.

Inaasahang mananatiling malayo si Ineng sa kalupaan ng Pilipinas habang tinatahak nito ang northeastward o north northeastward na direksyon .

Posible ring lumabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyo nitong Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga .