Biktima Ang magkapatid na biktima na wala ng buhay matapos laslasin sa leeg ng kanilang sariling ina dahil umano sa matinding depresyon. Larawan mula sa Magallanes, Cavite Police Office

INA KINATAY 2 ANAK

October 16, 2023 Dennis Abrina 383 views

MAGALLANES, Cavite – Patay ang magkapatid na edad 3- at 4-anyos makaraang laslasin sa leeg ng sarili nilang ina gamit ang cutter, Lunes ng umaga sa loob ng kanilang tahanan.

Duguan at wala ng buhay nang madiskubre ng mga alagad ng batas ang katawan ng magkapatid sa higaan. Ang mga bata ay kapuwa residente ng Sitio Kalaanan sa Barangay Pacheco.

Inoobserbahan naman sa pagamutan ang 26-anyos na suspek na mismong ina ng mga biktima, makaraang maglaslas din ito ng kanyang leeg pagkatapos patayin ang mga anak. Ang suspek ay walang trabaho at residente din ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni Police Corporal Kervi G. Lopez na siyang may hawak ng kaso, alas-9:40 ng umaga ng Oktubre 16 nang maganap ang insidente kung saan natutulog pa ang magkapatid habang nakatitig ang ina sa dalawang anak.

Bigla na lamang umanong kumuha ng cutter ang suspek at nilapitan ang mga natutulog na mga anak at isa-isang nilaslas nito ang kanilang mga leeg.

Nang makitang duguan ang mga biktima, agad din niyang nilaslas ang sariling leeg at duguan na ring humandusay.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, depresyon ang tinitingnang motibo ng mga ito, bunsod na rin sa maraming problemang kinakaharap ng suspek at sa kahirapang dinaranas nito sa buhay.

Kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang suspek.

AUTHOR PROFILE