Default Thumbnail

Hubo’t hubad na bangkay ng lalaki isinako sa QC

September 26, 2021 Melnie Ragasa-limena 603 views

NAGULANTANG ang isang nagbibisekleta matapos matagpuan ang isang hubo’t hubad na bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na nakasilid sa sako sa sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City, nitong Linggo ng umaga.

Ang biktima ay inilarawan lamang na nasa edad 25 hanggang 30, may taas na 5’2, blonde ang buhok, at katamtaman ang pangangatawan.

Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-7:30 ng umaga (September 26) nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Quirino Highway sa harapan ng Royal Class Motor, Barangay Greater Lagro, sa lungsod.

Nagbibisikleta umano sa lugar ang testigong si Ramil Mamangon nang mapuna ang isang sako na may bahid ng dugo sa gilid ng kalsada.

Nang lapitan ay nakita umano ni Mamangon na may nakausling paa sa sako kaya’t agad nang humingi ng tulong kay PCpl Darwin Panares, na nakatalaga sa Police Community Precinct 1 (PCP-1).

Nang mabuksan ang sako ay natuklasang nakagapos ang mga kamay at paa ng biktima at may mga tama ng mga bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PLt. John Agtarap (3) fired cartridge case, (3) plastic straw, at (1) color grey sack.

Ayon sa SOCO, posibleng sinakal muna ang biktima makaraang makitaan ng malalim na marka sa leeg bago pinagbabaril ng mga salarin saka isinako at iniwan sa lugar.

Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng masusing pagsisiyasat upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga suspek at matukoy din ang motibo sa pagpatay.