Janette Garin

HTAC kinalampag para maiwasan ang ‘expired’ na COVID-19 vaccines

November 26, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 314 views

KINALAMPAG ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin ang Health Technology Assessment Council (HTAC), ang independent advisory council ng Department of Health (DOH), na maging mabilis at magpalabas ng napapanahong rekomendasyon lalo pagdating sa bakuna upang hindi na maulit ang P15.6 bilyon halaga o 31 milyong naaksayang COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Garin na mandato ng HTAC na nabuo sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Act ang magbigay ng abiso sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung ano ang dapat na gawing health interventions.

Sinabi ni Garin na nagbibigay ang HTAC Core Committee ng pinal na rekomendasyon base sa naging assessment o evidence appraisal ng HTAC subcommittees, gayunpaman, nagkakaroon ng “matagal na desisyon” na inaabutan na ng pagka-expire ang mga bakuna.

“Isa sa masalimuot na katotohan sa Pilipinas ay ang bawat desisyon ng DOH ay dadaan muna sa HTAC na sa ilang pagkakataon ay nararapat, subalit may ilang sitwasyon na masyadong matagal ang rekomendasyon na bandang huli ay nawawalan na ng bisa gaya na lang sa nangyari sa COVID vaccine,” ani Garin.

Aniya, inasahan na nilang maraming maaksayang COVID-19 vaccine dahil habang ang ibang bansa ay nagsisimula na ng kanilang booster shot, ang HTAC ay hindi pa nagdedesisyon kung kailan ibibigay ang bakuna.

“Nakakapanghinayang talaga ‘yung nag-expire na bakuna, although we saw it coming kasi kung maaaala niyo as early as June and July maigting na ang panawagan na pahintulutan ang unang booster kasi paparating na ang delta variant. Tumagal ito at pinayagan sometime in December pa, kung saan medyo madami na ang na-infect at madami na ang namatay at nang payagan ang 2nd booster ay dahil pa-expire na ang bakuna,” ani Garin.

“You take advantage sa awareness ng mga tao kasi ‘yon talaga ang panahon na madami ang magpapabakuna. If you miss that window, almost always kapag wala ka ng nakikitang namamatay, itinatakbo sa hospital, nawawala ang adrenaline ng tao magpabakuna, yan ang behavior ng vaccination ever since,” dagdag pa nito.

Pinuna ni Garin ang kawalan ng “flexibility” ng HTAC kaya maraming resources ang naaksaya.

Inihambing nito ang nangyari sa COVID-19 vaccine na bumili ng madaming bakuna ang private sector na gusto nilang gamitin para sa booster shot subalit hindi agad pinagamit.

“Parang kumbaga masyadong by the book, empowering HTAC too much that all decisions of DOH will have to depend on the council na hind naman full time at walang accountability, what happens is maraming nasasayang na resources, so we really have to amend the UHC law na may mga killer provisions,” giit nito.

Bukas si Garin na maghain ng panukala sa Kamara de Representantes para maamyendahan ang ilang probisyon na nagbibigay ng masyadong kapangyarihan sa HTAC.

Aniya, hindi nya inirerekomenda na i-abolish ang HTAC bagkus ay limitahan lang ang saklaw nito sa health tech assessment o ang pagtatakda sa pricing ng mga bibilhing resources at hindi na pakikialamanan ang program implementation upang maiwasan na magkaroon ng problema.

Umaasa ito na makakakuha siya ng suporta sa mga kapwa mambabatas para sa pag-amyenda sa ilang probisyon sa UHC law partikular sa sakop ng HTAC.

“I’ve been going around and advocating it, kailangan lamang maging bukas kasi medyo sarado ang iba. Meron ibang original authors ng UHC na parang ayaw ipagalaw, kasi hindi nila nakikita ang malalim na problema. This should really be corrected dahil nagiging kawawa ay ang taumbayan,” pagtatapos pa ni Garin.

AUTHOR PROFILE