Honasan

Honasan, DFA, Teves suportado economic Charter reform

March 6, 2024 Mar Rodriguez 94 views

KAPWA nagpahayag ng suporta sina dating Sen. Gregorio “Gringo” Honasan, dating Finance Sec. Margarito Teves, at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa panukalang pag-amyenda sa probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon na nakapaloob sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7.

Kabilang sina Honasan, Teves at DFA Undersecretary Jesus Domingo sa mga resource person sa ika-anim na araw ng pagdinig ng Committee of the Whole House of Representatives sa RBH No. 7.

“Panahon na para baguhin natin ang ating Saligang Batas. Huwag po tayong matakot sa pagbabago,” sabi ni Honasan.

Aniya ang pag-alis sa mahigpit na probisyon ng Saligang Batas ukol sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ay makatutulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya.

Kailangan kasi aniya na ang ating Saligang Batas ay makasabay sa mabilis na pagbabago sa usaping geo-political, ekonomiya at teknolohiya.

Sabi pa ni Honasan na ang economic amendments kasabay ng reporma sa mga polisiya ay magtutulak sa Pilipinas para makasabay sa mga karatig bansa sa pag-hikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.

“Kung mananatili tayong sarado (sa foreign investors), kawawa ang Pilipino,” diin ni Honasan.

Bilang isang dating kalihim ng information and communications technology, partikular na sinusuportahan ni Honasan ang pagbubukas ng public utilities gaya ng telecommunications sa full foreign ownership.

Aminado ito na bilang isa ring retiradong opisyal ng military ay may alinlangan siya sa banta ng 100-foreign ownership ng mga telco sa national security.

Ngunit matutugunan naman ito sa pagsasama ng katagang, “unless otherwise provided by law,” upang bigyang kapangyarihan ng Kongreso na maglatag ng mga kondisyon sa pagpasok ng dayuhang kapital.

“Puwedeng magbuo ng batas na magtatakda kung ano ang maaring gawin at hindi maaaring gawin ng dayuhang mamumuhunan, kung saan ang hangganan ng kanilang pribilehiyo,” ani Honasan.

Ang pinaka-layunin naman aniya ng pagbabago sa Konstitusyon ay matulungan ang mga Pilipino na maka-ahon mula sa kahirapan.

Sa panig naman ni Teves, tinukoy nito ang limitasyon sa Konstitusyon bilang sagabal sa pagpasok ng mga mamumuhunan na wala naman sa batayang batas ng ibang bansa sa ASEAN gaya ng Singapore at Malaysia.

“As of 2022, Vietnam, Malaysia, Indonesia, and Thailand have already surpassed us in terms of foreign direct investments,” sabi niya.

Kakailangan aniya na ayusin ng Pilipinas ang legal framework nito para makasabay sa mga karatig bansa sa ASEAN at makipag kompetensya sa paghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.

Isinusulong din ni Teves ang pagbubukas sa pag-mamay-ari ng mga dayuhan sa mga lupain sa rural areas salig sa mga panuntunan na maaaring itakda ng Kongreso.

Kung magkakaroon aniya ng mga pabrika at planta sa rural communities ay lilikha ito ng mga mapapasukang trabaho at kabuhayan sa mga residente ng lugar at magpapa-unlad sa ekonomiya ng mga rehiyon.

Hindi na rin aniya luluwas pa-Maynila o sa iba pang bayan ang mga residente mula probinsya para lang maghanap ng mapapasukang trabaho.

Hinimok pa nito ang mga Pilipino na huwag matakot sa mga foreign investor.

Ang mahalaga aniya ay kung sino ang makatutulong sa mga Pilipino anuman ang kanilang nasyonalidad.

Inihalimbawa naman ni Domingo ang Singapore na unti-unti binuksan ang kanilang ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan noong 1965 hanggang 1990.

At ngayon ito ay sa isa pinaka bukas na ekonomiya sa buong mundo.

Ibinahagi rin nito ang kanyang karanasan bilang embahador ng Pilipinas sa New Zealand.

Kumpara sa mga kasamang kinatawan sa ASEAN, ay nahirapan aniya siyang kumbinsihin ang mga foreign investor dahil sa napakahigpit na Konstitusyon ng Pilipinas.

AUTHOR PROFILE