NFA

NFA tuloy serbisyo kahit 139 opisyal suspendido

March 7, 2024 Cory Martinez 93 views

TINIYAK ni Piolito Santos, ang officer-in-charge (OIC) ng National Food Authority (NFA), na tuluy-tuloy ang operasyon ng ahensiya sa kabila ng pagsuspinde sa 139 opisyal at empleyado ng ahensya.

Ito ang binigyang-diin ni Santos matapos magtalaga agad ng mga ipapalit sa mga posisyong iniwan ng mga suspendidong opisyal at empleyado.

Ayon kay Santos, naglabas agad si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng special order noong Martes na nagtatalaga ng mga officer-in-charge sa mga posisyon na nabakante sa bawat branch na apektado ng suspension.

Sa kanyang pamumuno, tiniyak ng OIC na magiging patas at responsableng lider siya.

Sinuspinde ng Ombudsman si NFA Administrator Roderico Bioco at 138 pang opisyal at empleyado ng ahensiya habang iniimbestigahan ang kontrobersiyal na pamamahagi ng rice buffer stocks sa isang transaksyon na umano’y nakasama sa gobyerno.

Ibinunyag pa ni Santos na kabilang sa prayoridad niya ang pagbubukas ng mga bodega sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na nakasara dahil kabilang ang ilang bodegero sa mga nasuspinde.

“Kailangang-kailangan na talaga maayos ito para mabubuksan ang kanilang bodega para makapagbigay tayo ng serbisyo sa ating mamamayan,” paliwanag ni Santos.

Kapag nabuksan ang mga bodega, ililipat ang laman ng mga ito sa ibang bodega kung saan may nakatalagang bodegero.

Isa pa na pagtuunan ng pansin ni Santos ang pagbabago ng pamamaraan ng pagbebenta ng bigas sa kanilang mga outlets para hindi na ulit mangyari ang kontrobersiya hinggil sa pamamahagi ng rice buffer stock.

“Sa ating pamamaraan ng pagbebenta, dapat unahin natin ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), local government units, BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), at ibang government institutions at mga calamity-stricken area para sila ang priority,” ani Santos.

Subalit sinabi niya na kung talagang hindi na kailangan ang buffer stock o malapit nang mabulok, dapat na itong ibenta sa ibang outlet.

Samantala, ibinunyag pa ni Santos na mayroon pang P17 bilyong pondo ang ahensya na pwedeng ipambili ng palay mula sa magsasaka. Mula sa P9- bilyon pondo na nakalaan para sa taon na ito at P8.2-bilyon na natipid mula sa pondo noong nakaraang taon ang P17 bilyon.

Para sa taong ito, ani Santos, tinatarget ng ahensya na makabili ng 300,000 hanggang 475,000 metriko tonelada ng palay bilang buffer stock.

AUTHOR PROFILE